Dahil parehong nasa showbiz, payagan kaya nina Isabel Oli at John Prats na mag-artista rin ang tatlo nilang anak na sina Lilly Feather, Daniel Freedom at Lilla Forest?

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni John na mas nais niyang makatapos muna ng pag-aaral ang mga anak nila ni Isabel.

"You know what, sobrang hirap. 'Yun sana. Until naman ngayon, gusto naming tapusin nila 'yung pag-aaral nila. But hindi ko alam kung nasa dugo talaga," ayon kay John.

"My eldest, actually lahat sila. Even 'yung pinakabunso namin, si Forest, gustong-gusto niya," pagpapatuloy ni John.

Kuwento pa ni John, naiinggit ang bunso nilang si Lilla Forest sa tuwing nakikitang may pumapasok na brands para sa ate nitong si Lilly Feather.

"Ang sabi ko siguro kay Liv (tawag niya kay Isabel), okay lang siguro like if we do brands, social media. Pero 'yung talagang artista, patapusin ko muna siguro sila ng pag-aaral. And then we'll see," sabi ni John.

Gaya ni John, nais din ni Isabel na makatapos muna ng pag-aaral ang kanilang mga anak.

"Ako gusto ko rin na makapagtapos sana, kasi 'yun naman din ang sa akin. Pinatapos muna ako before entering showbiz. Pero kasi nakikita ko ngayon, lalo na ang youngest. And si Feather, they enjoy. They like to dance, they like to act," kuwento ng aktres.

"And they are comfortable kapag may guesting, they are comfortable on camera," dagdag naman ni John.

"Excited sila. Tapos may mga shoot kami sa bahay minsan, nagri-rehearse sila, 'yung sila lang na talaga lang," sabi pa ni Isabel.

"Nagko-concert sila, may sari-sarili silang production number," pagpapatuloy ni John.

Para kina John at Isabel, handa silang sumuporta kung sakaling hindi nila mapipigilan ang kanilang anak na mag-showbiz.

"Actually I don't want to say anything muna kasi na patapos. Kung gusto naman nila we as parents we have to support and just guide them," sabi ni John, na isa na ring direktor ngayon.-- FRJ, GMA Integrated News