Labis ang kasiyahan ni Marian Rivera nang matupad ang kaniyang dasal na itanghal na Best Actor ang kaniyang mister na si Dingdong Dantes sa nagdaang Manila International Film Festival (MIFF) para sa pelikula nilang “Rewind.”

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni Marian na ipinagdasal niya ang panalo ng kaniyang mister sa kauna-unahang MIFF na ginanap sa Los Angeles, California kamakailan.

LOOK: John Arcilla, Dingdong Dantes at Alden Richards, nagkasama-sama sa MIFF sa L.A.

Ipinalabas sa naturang film festival ang mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festivals (MMFF).

“Sinabi ko talaga sa kaniya, pinagpe-pray ko talaga na manalo siya. Kasi deserve talaga niya dahil napakahusay niya talaga sa ‘Rewind,’” ayon kay Marian.

Dagdag pa ng aktres, “Sabi ko nga, true enough, sabi ko, pinagpala tayo, pinagbigyan tayo ni Lord, nanalo ka.”

Sa set ng kanilang sitcom na "Jose and Maria's Bonggang Villa,” sinorpresa din si Dingdong ng kaniyang misis at mga co-stars nila.

Ibinahagi ni Dingdong ang natanggap na parangal sa kaniyang asawa na kasama niya sa "Rewind," at sinabing naging inspirasyon din nila ang kanilang mga anak, gayundin ang mga pagsubok na kinakaharap ng entertainment industry sa Pilipinas.

Maliban sa "Rewind," bahagi rin si Dingdong sa GMA Pictures and GMA Public Affairs movie na "Firefly," na itinanghal na Best Picture sa MMFF at maging sa MIFF.—FRJ,GMA Integrated News