Bilang beterana na sa showbiz, inihayag ni Janice de Belen ang mahahalagang aral na kaniyang natutunan sa pagiging aktres. Isa na rito ang hindi pagpapa-late sa set bilang pagrespeto sa oras ng iba.

“Discipline. Listening. And coming on time,” saad ni Janice tungkol sa mga leksiyon niyang natutunan sa buhay sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Medyo OA ako pagdating sa time. Kahit na noong bata ako, my 8 a.m. on the set will always be 7:30. There are times naging 7 o’clock pa ‘yan. Kasi takot na takot akong ma-late,” sabi pa ni Janice.

Ayon sa kaniya, kawalan ng galang sa ibang tao ang pagiging late.

“Because for me, the biggest disrespect to another person is when you don’t show up on time,” anang beteranang aktres.

Binalikan ni Janice ang pinagbidahan niyang drama series na “Flordeluna” noong 1980s, at nakaribal din ang pumanaw na aktres na si Julie Vega.

Nakatrabaho rin ni Janice ang mga batikang direktor gaya nina Chito Roño, Danny Zialcita, Peque Gallaga at Lino Brocka at Ishmael Bernal. -- FRJ, GMA Integrated News