Hindi nakalipad patungong Dubai ang mga dating miyembro ng glam team ni Heart Evangelista dahil umano sa hold departure order.

Sa vlog ni Ogie Diaz nitong Miyerkoles, sinabi ng ilang sources niya na pinigilan sina Justin Soriano at Jeck Aguilar sa check-in counter sa Maynila noong Lunes ng hapon dahil ayaw ibigay ng airline personnel ang kanilang mga boarding pass.

Nakatakda sanang makipagkita sina Soriano at Aguilar sa Pia Wurtzbach at ang fashion designer na si Mark Bumgarner sa Dubai.

“Nakipagtalo pa sila sa airline staff dahil porke’t free miles ni Pia ang gamit ay hindi na sila pasasakayin?” saad ni Diaz.

“Pero ang tsika sa amin, na sana ay hindi ito totoo, ay ipinatawag sila sa Immigration para ito ang magsabi na sila ay may hold departure order,” pagpapatuloy ni Diaz.

Sina Aguilar at Soriano ay mga kilalang collaborator ni Heart. Noong nakaraang taon, nagkaroon sila ng tampuhan umano, kung saan pareho silang in-unfollow ni Heart sa Instagram.

Noon namang Agosto, nagsalita si Heart tungkol sa pagtataksil umano ng mga kaibigan.

Magmula noon, nakipagtrabaho na sina Aguilar at Soriano kay Pia sa tuwing fashion at brand events.

Sinisikap ng GMA News Online na makuha ang panig nina Soriano at Aguilar para sa kanilang komento ngunit hindi pa sila tumutugon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News