Ipinakilala na si Miguel Tanfelix bilang bagong runner sa Season 2 ng "Running Man Philippines." Ang tips daw na nakuha niya sa mga kapuwa niya runners, huwag basta-basta magtitiwala.
Sa panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni Miguel na naninibago siya sa pagsabak sa reality game show dahil nasanay siya sa drama projects.
Sabi pa ni Miguel, ang “Starstruck Kids” ang huling reality show na kaniyang sinalihan na 20 taon na ang nakararaan at iba sa format ng Running Man Philippines.
Ayon kay Miguel, mahigit 40 araw silang mananatili sa South Korea para sa taping ng show. Sa unang mga araw niya sa naturang bansa, na-enjoy niya ang kaniyang first snow experience at nagkaroon din ng pagkakataon na makagala na mag-isa.
“Marami-rami din akong inenjoy dito. Inenjoy ko na mag-travel mag-isa. Yun naman talaga hilig ko ever since. Nung hindi pa ako nakikita ng co-runners ko, lagi akong nagtra-travel mag-isa," anang aktor.
"Nagte-train [akong] mag-isa. Inenjoy ko rin yung pag-commute dahil sa Pilipinas hindi ako laging nakakapag-commute. Nagte-train ako dito, naglalakad-lakad. May isang araw nga naka-almost 30,000 steps [ako] dahil super gustong-gusto kong gumala,” patuloy niya.
Dahil matagal din siyang mamamalagi sa S.Korea, nagdala ng pangontra home sick si Miguel.
“Marami akong nami-miss actually, kaya dinala ko itong laptop ko para lagi kaming magbi-video call ni Ysabel (Ortega)," ani Miguel.
Thankful si Miguel dahil makakasama niya sa show ang kaniyang mga kaibigan na sina Kokoy de Santos at Mikael Daez. Unti-unti na rin daw niyang nakikilala nang mas personal at nagiging close sa ibang runners.
Bilang baguhan sa show, nagbibigay daw ng ilang tips ang kaniyang co-runners.
“Lahat sila nagbibigay ng tip sa akin. Actually, lagi na lang sinasabi sa akin na ‘wag akang magtitiwala basta-basta. So ‘yun. ‘yung sinabi rin sa akin ni Angel (Guardian) na huwag akong magtiwala. So ok. hindi ko sila pagkakatiwalaan,”pabirong sinabi ni Miguel.
Kasama rin muli sa Season 2 ng Running Man Philippines sina Glaiza de Castro, Buboy Villar, at Lexi Gonzales. --FRJ, GMA Integrated News