Inilahad ni Kris Bernal na isang magandang karanasan na may kasamang mga pagsubok ang pagiging isang ina nang iluwal niya ang anak nila ni Perry Choi na si Baby Hailee Lucca.

“I think it’s both beautiful and hard. Because I believe in acknowledging the highs and lows of pregnancy and post-partum. Sa totoo lang, nahihirapan talaga ako Tito Boy, hindi ko in-expect na ganu’n kahirap,” sabi ni Kris sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

“I was enjoying my whole time being pregnant. Pero hindi ko alam na ang hirap pala kapag nanganak ka na,” pagpapatuloy ni Kris.

Ayon kay Kris, may mga pagkakataong nalilimutan na niyang alagaan ang sarili gaya ng pagkain, pagsusuklay at pagligo.

Ibinahagi pa ni Kris na isinilang niya si Baby Hailee sa pamamagitan ng Cesarean section.

“Grabe pala ang pain kapag Cesarean ka, ‘yung recovery mo ang tagal. So nahirapan din talaga ako,” anang aktres.

Bukod dito, sinabi ni Kris na natigil din siyang gawin ang ilang nakahiligan niya tulang ng vlogging.

“Everything stopped talaga, I stopped vlogging, ‘yung social media ko wala ka nang halos makita, kasi nga nagbago talaga ‘yung mundo ko.”

Sa kabila ng hirap, itinuturing niyang “high” ng pagiging isang ina ang kaniya mismong baby.

“Kahit mahirap, kahit walang tulog, alam mong nandiyan, may baby ka, blessed ka with a child, kasi not everyone naman nabe-blessed ng ganito, kaya very thankful talaga ako,” sabi pa ni Kris.

“Ang pinakamasarap na feeling na nakikita ko na hinahanap ako ng baby ko, very clingy siya sa akin, ngumingiti na siya sa akin kasi nagre-react na siya, nare-recognize na niya ako as a mom, ‘yun ‘yung balik na happiness,” pagpapatuloy niya.

Nadiskubre rin ni Kris ang kaniyang pagiging malakas bilang isang ina.

“Actually na-realize ko, ang strong ko pala, kasi ang akala ko dati, ito na ang kaya kong gawin. Pero kapag naging mommy ka pala, grabe, lahat willing kang gawin kahit na wala kang tulog, tapos lahat talaga isa-sacrifice mo. So hindi ko akalain na ganoon ako ka-strong,” sabi niya.

Isinilang ni Kris si Baby Hailee noong nakaraang taon.

Ikinasal sina Kris at Perry noong Setyembre 2021. Inanunsyo naman ni Kris na buntis siya Marso noong nakaraang taon. — FRJ, GMA Integrated News