Inanunsyo na si Miguel Tanfelix ang ikapitong runner para sa Season 2 sa "Running Man Philippines.

Habang nasa South Korea, ipinakilala na ng cast na sina Angel Guardian, Buboy Villar, Glaiza De Castro, Mikael Daez, Kokoy de Santos at Lexi Gonzales si Miguel bilang ang bago nilang makakakulitan sa reality-game show.

“Overwhelmed ako dahil unang una, ang saya ninyo kasama,” mensahe ni Miguel. “Very thankful ako sa Running Man dahil pinayagan nila akong ma-experience ito.”

Ipinalabas ang VTR ng anunsyo ni Miguel sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes.

Nauna nang hinulaan ng cast kung sino ang magiging ikapitong runner, kung saan isa sa mga pangalan ni Miguel ang lumabas.

Si Buboy ang tumpak na nakahula na si Miguel ang ikapitong runner, dahil sa “vibe” nito.

"Dahil wala siya ginagawa ngayon, puwede siya tumakbo," ani Buboy.

Samantala, kahit hindi na makakasali, tiniyak ni Ruru Madrid na magiging bahagi pa rin siya ng show sa pamamagitan ng isang special role.--FRJ, GMA Integrated News