Inihayag ni Jiro Manio na hinanap niya noon ang kaniyang tunay na ama upang malaman kung totoo ba na Hapon ito.
"Hinanap ko po, nagtanong-tanong ako sa kanila, una sa family ko. Sabi nila isang beses lang daw 'yun nagpunta, pinagbubuntis ako ng mother ko," kuwento ni Jiro sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.
"Iniwan po sa bahay ang mother ko, umalis daw pong mag-isa. Tapos iyak daw nang iyak ang mother ko no'n dahil masama raw ang sinabi sa mother ko. Hindi ko po alam. Hanggang sa ipinanganak na ako na wala na siya. Mother ko na lang ang mag-isa [na nagpalaki sa akin]," pagpapatuloy niya.
Ayon sa dating child star, kasama sa dahilan sa paghahanap niya sa ama ang malaman kung talagang Japanese ito.
"Hinanap ko po eh, tinanong ko sa family ko. Na-engganyo lang ako na makita siya, kung totoo ba na ang tatay ko ay Japanese. 'Yun lang naman po ang naiisip ko. Dahil lumaki ako rito sa Pilipinas wala naman po siya," sabi ni Jiro.
Kung nagkaroon ng pagkakataon na makaharap ang kaniyang ama, tinanong si Jiro kung ano ang itatanong niya rito.
"Kung kilala po ba niya ako na anak niya," saad niya.
Kasabay nito, sinabi ni Jiro na nami-miss niya ang kaniyang ina, na pumanaw noong nabibinata pa lang ang aktor.
Sinabi ni Jiro na ipinapagamot niya noon ang kaniyang ina na nagda-dialysis.
"Kasi may tinitirahan kaming bahay noon, magkakasama kami ng kapatid ko. Sama-sama kami noon. Naaalala ko minsan napagkukuwentuhan namin ng mga pinsan ko noong buhay pa siya. Tapos kahit noong wala na siya, nagpaparamdam," sabi pa niya.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya sa ina, sabi ni Jiro : "Ma kumusta na, anong balita? Ito ako, mataba na naman. Siyempre nakaka-miss din 'yung sama-sama noon, walang problema, kahit saan magpunta nakakapasyal. Okay naman kami tsaka masaya naman ako." -- FRJ, GMA Integrated News