Handa na ang bandang Coldplay sa kanilang gagawing concert simula sa Biyernes na gaganapin sa Philippine Arena. Ang pamunuan naman ng NLEX, naglabas ng traffic advisory dahil sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko kaugnay sa naturang concert.

Sa X (dating Twitter), binati ng grupo ang kanilang mga followers at nag-post ng larawan na makikita ang stage ng Philippine Arena.

"See you tomorrow Manila!" saad nila sa caption.

Makikita na may mahabang walkway ang stage para makalapit ang miyembro ng banda, lalo na ang vocalist na si Chris Martin, sa mga tao.

 

 

Dalawang gabi ang nakatakdang concert ng Coldplay sa Philippine Arena na magsisimula sa Biyernes,

Batay sa advisory ng banda, bubuksan ang gate ng 5pm. Magtatanghal ang OPM artist Jikamarie dakong 7:15pm, at magsisimulang matanghal ang Coldplay pagsapit ng 8:15pm.

Ayon sa concert promoter na Live Nation Philippines, may mga basurahan na nakatalaga para sa recycling — paper, plastic, metal, organic — kaya hinihikayat ang mga manonood na ayuhin ang pagtatapon ng basura para suportahan ang recycling effort ng banda.

Samantala, naglabas naman ng abiso ang pamunuan ng NLEX sa mga motorista dahil sa inaasahang pagsikip ng daloy ng trapiko kaugnay sa gaganaping concert.

“Please allot more travel time as high volume of traffic is expected during the event. For motorists heading to Bocaue or Santa Maria, take alternate routes via Marilao or Tambubong exits,” saad ng NLEX sa Facebook post.

May mga traffic personnel umano na nakatalaga sa mga itinuturing strategic areas para tumulong sa mga motorista.-- FRJ, GMA Integrated News