Inaabangan na ng ilang Chinoy Sparkle stars gaya nina David Licauco at Nikki Co ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pebrero 10.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dumalo sina David at Nikki sa isang event sa Makati City na nagmistulang advanced celebration na ng Chinese New Year.

Ibinahagi nina David at Nikki ang ilang pampaswerte tips.

"Ang pinaka-excited ako 'yung dragon dance. Binibigyan ko 'yung friends ko ng tikoy. 'Yan 'yung way ko of saying thank you and good luck na rin for me," sabi ni David.

"May charms din naman kaming binibili tulad ng mga bracelet for good luck, for money, for health," ayon naman kay Nikki Co.

Sa paparating na Year of the Dragon, goal ni David na magkaroon ng marami pang bonding time sa kaniyang pamilya.

Samantala, nagsimula na si David sa kanilang taping sa biggest historical drama ng 2024 na "Pulang Araw."

Sinabi ni David na hamon sa kaniya ang pagsasalita ng Nihonggo ng kaniyang karakter.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News