Humingi ng tulong sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local film producer upang pakiusapan ang mga lokal na opisyal na magkaroon ng moratorium sa pangongolekta ng mga lokal na pamahalaan ng 10 percent amusement tax na kinukuha mula sa kita ng pelikula.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing malaking tulong sa local film producers at industriya ng pelikulang Pilipino kung hindi muna sila pagbabayarin ng amusement tax.
Kaya naman nakipagpulong ang ilan sa mga local film producer at iba pang kinatawan ng movie industry kay DILG Secretary Benhur Abalos tungkol sa naturang usapin.
"Kunwari may tax holiday na nga na ganito, baka puwede pang taasan ang budget ng paggawa ng pelikula. Kasi siyempre kailangan lumaban din tayo sa mga produkto ng ibang bansa. Dream natin na para tayong Korea di ba pero we cant do that without the support of the government," ayon kay Átty. Annette Gozon-Valdes, President, GMA Films and SVP, GMA Network Inc.
Ayon pa sa kaniya, naging inspirasyon sa film producers ang tagumpay ng nakaraang Metro Manila Film Festival kaya gumagawa sila ng mga paraan para mapanatiling masigla ang local movie industry.
Kasama rin sa nakipagpulong kay Abalos sina Tirso Cruz lll, Chairman and CEO, Film Development Council of the Philippines, Roselle Monteverde, ng Regal Entertainment, at iba pa.
Binigyan-diin nila ang kahalagahan na matulungan ang movie industry dahil maraming manggagawa ang umaasa rito.
Paliwanag ng mga producer, kung kumita ng P100 milyon ang isang pelikula, kakaltasan ito ng 10% para sa amusement tax, na nais nilang alisin muna.
Ang matitirang 90% sa kita, paghahatian ng producer at cinema operator, o katumbas ng tig-45%.
Ang 45% na mapupunta sa producer, matatapyasan pa ng 5% hanggang 20% na booking fee sa mga distributor.
Mayroon pa kaltas na 12% na value added tax. Kaya naman naglalaro na lang sa 35% hanggang 37% ang maiiwan sa producer na gumastos sa paggawa ng pelikula.
Pero ayon kay Atty. Joji Alonso ng Quantum Films, hindi naman lahat ng pelikula ay kumikita ng P100 milyon.
"For the year 2023, karamihan ng mga pelikula ay nag-go-gross ng P2 million to 12 million only," saad niya.
Nangako naman si Abalos na kakausapin niya ang mga alkalde sa Metro Manila tungkol sa kahilingan ng film producers.
Suportado naman daw ang kaniyang ama na si Mandaluyong Mayor Benjamin Abalos Sr. ang mungkahi ng mga film producers. -- FRJ, GMA Integrated News