Nakapatala ng box office history sa Pilipinas ang Kapuso power couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera dahil sa pelikula nilang "Rewind.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang “Rewind” na ipinalabas sa highest grossing Filipino film of all time sa Philippine domestic sales.
Inanunsyo ito sa thanksgiving party na dinaluhan ng cast at production team ng pelikula.
Kabilang ang “Rewind” sa mga pelikulang kalahok sa nagdaang 2023 Metro Manila Film Festival.
Nalampasan ng "Rewind," ang 2019 blockbuster movie na “Hello, Love, Goodbye,” na pinagbidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.
“Hindi ko magagawa ‘yung character ni Mary kung hindi talaga si Dong ‘yung partner ko. Si Dong ‘yung palaging nagchi-cheer sa akin na kaya kong gawin ‘yung mga bagay bagay kasi nung ginagawa ko ‘to, natatakot ako parang baka hindii ko magampanan si Mary kasi natatakot ako sa expectations ng lahat ng tao kasi after 13 years bumalik ako para magtrabaho,” sabi ni Marian.
Ayon sa Kapuso Primetime King at Queen, sulit ang kanilang sakripisyo na malayo sa kanilang pamilya nitong nagdaang holiday season.
Sa isang madamdaming post sa Instagram, tinapos ni Dingdong ang kaniyang “Rewind” at MMFF experience.
"Now, as the curtain falls on the MMFF, I extend a salute to the ten films that courageously shared their beautiful stories. These films are destined to be timeless pieces, outliving us all. It’s an honor to be part of the historic 49th MMF," ayon sa aktor.
Samantala, magbabalik din ang Kapuso sitcom nina Dingdong at Marian na "Jose and Maria's Bonggang Villa."—FRJ, GMA Integrated News