Mapapanood pa rin sa mga sinehan ang 10 pelikulang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival.
Sa inilabas na pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Linggo-- na huling araw sana ng screening day ng MMFF movies—sinabing extended hanggang sa Enero 14 ang theatrical run ng 10 pelikula.
"We at the MMFF would like to express our deepest gratitude to all who have supported us and watched the movie entries, particularly those who requested for the MMFF movies to extend beyond its original run," ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes.
"Marami pong salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik. Moviegoers, may mga karagdagang araw pa para panoorin lahat ng MMFF entries," patuloy niya bilang pagtugon umano sa kahilingan ng publiko.
Tatanggapin pa rin umano ng mga sinehan maging ang mga complimentary tickets hanggang January 14.
Ang 10 pelikulang kalahok sa MMFF 2023 ay ang “Family of Two (A Mother And Son’s Story),” “Penduko,” “When I Met You in Tokyo,” "Becky and Badette,” "Broken Hearts Trip,” "GomBurZa,” "Rewind,” “(K)Ampon,” “Mallari,” at "Firefly” ng GMA Pictures, na itinanghal na Best Picture at Best Screenplay.
Sa pahayag din ng MMDA, sinabi nito na mahigit P1 bilyon na ang pinagsama-samang kita ng 10 pelikula muna nang ipalabas ang mga ito sa mga sinehan noong Disyembre 25, 2023.
Nahigitan na nito ang kinita ng 2022 MMFF na P500 milyon.
Gayunman, hindi binanggit ng MMDA kung ano ang mga pelikula ang pinakatumabo sa takilya ngayong taon. — FRJ, GMA Integrated News