Inilahad ni Melanie Marquez ang kuwento sa likod ng sikat niyang kasabihan na “Don’t judge my brother he’s not a book,” at binalikan ang iba pa niyang “Melanisms” o iconic lines.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, isinalaysay ni Melanie na nasabi niya ito noong minsang maging panelist siya sa isang debate.
“‘Yung isa ang sabi, kung puwede raw may asawa ‘yung pinapatulan. Sabi ko ‘Hindi.’ Noong ‘hindi,’ may nagtatatalak doon sa kabila na fan. Nakalimutan ko ang saying na ‘Don’t judge [by its cover,]” kuwento niya.
Dahil dito, iba ang sinabi ni Melanie.
“’Don’t judge my brother!’” sambit ni Miss International 1979 sa kaniyang kausap. “Sa likod ng isip ko ‘Melanie kumpletuhin mo ang sasabihin mo!’”
At dahil gusto ni Melanie na mabuo ang kaniyang sinabi, sinundan na niya agad ito.
“He’s not a book!” natatawang kuwento ng beauty queen.
Ang tinutukoy ni Melanie na kaniyang kapatid ay si Joey Marquez.
Sunod niyang ikinuwento ang nasa likod ng “I don’t eat meat, I am not a carnival.”
“Ay nasabi ko ‘yun! Pinag-uusapan kasi nila ‘yung mga sheep, ‘yung mga lamb and everything. I really don’t eat that, eh meat sila, ‘di ba? So ‘yun, feeling ko talaga hindi ako ‘carnivalious,’” natatawang paliwanag ni Melanie.
Ikinuwento rin niya kung bakit niya nasabi ang “Why should I have a calling card? I’m not a call girl!”
Ayon kay Melanie, nasambit niya ito sa isang party kung saan host ang ambassador-at-large noong panahon ni Presidente Macapagal na si Conchita Sunico.
“May isang bachelor, baron daw from England, gusto niyang makilala ‘yung mga model niya (Tita Conching) na single. Ako naman, tini-training niya ako to become lady-like.
Humihiwalay na nga ako sa lahat, umiiwas kasi nga ayokong ma-entertain ‘yung guest,” pag-alala ni Melanie.
“‘Yung guest na ‘yun, ‘yung baron, nakita pa ako, ako ang nilapitan. Ako naman I have to be polite, si Tita Conching nasa likod nakikinig.”
Maya-maya pa, ibinigay ng lalaking bachelor ang calling card nito kay Melanie.
“‘Here’s my calling card. You can call me anytime, I will be here anytime you need me,’” sabi ng lalaki kay Melanie, habang magalang na tumanggi si Melanie at tumugon naman na “Just to be polite, thank you!”
Ngunit nagpursigi pa rin ang baron na makuha ang numero ni Melanie.
“‘What is your name by the way?’” tanong ng lalaki, kaya nagsimula nang manahimik ang beauty queen.
“‘Excuse me, do you have a calling card?’” giit ng lalaki. “Na-offend ako. Nag-iiba na ‘yung reaction ng mukha ko,” kuwento niya.
Dito na nasabi ni Melanie ang kaniyang iconic line.
“Ang sabi ko ‘Why should I have a calling card? I’m not a call girl!” natatawang sabi ni Melanie.
“Si Tita Conching fell down, siguro hindi niya [kinaya] na bumukas ‘yung bibig ko. Siyempre commotion, nandoon kami, hinimatay siya sa kahihiyan!” pag-alala pa niya.
Balikan sa “Fast Talk with Boy Abunda” ang iba pang kuwento ni Melanie sa kaniyang “Melanisms” na “I won’t change my legs because I’m contented with my long-legged” at “ang tatay ko ang only living legend na buhay.” —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News