Iginiit ni Kelvin Miranda na hindi siya ang tinutukoy sa blind item ng direktor na si Darryl Yap tungkol sa isang aktor na na-"booking" umano ng international singer na si Sam Smith.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, binalikan ni Tito Boy ang blind item kung saan nag-"book" si Sam Smith sa isang aktor sa halagang P1 milyon kada gabi.

“Ang dami na ring nag-ta-tag sa’kin, even my friends, sine-send sa’kin sa messenger, sa IG. Kailangan ba lahat, ito ‘yung pag-usapan?” sabi ni Kelvin.

“Gusto ko lang sabihin sa kanila na hindi, hindi totoo. Kumbaga, bakit ko gagawin ‘yun? Kumbaga, pinaghirapan ko lahat ng kung anong meron ako tapos sa ganoong klaseng bagay,” pagpapatuloy ng Sparkle actor.

Ayon kay Kelvin, hindi niya hinuhusgahan ang mga taong sangkot sa mga "booking" o pagbabayad kapalit ng one night stand.

“Pero ako kasi, hindi ako sanay nang hinuhusgahan ako. At hindi ko ginagawa ‘yung ganoong klaseng bagay. Mas gusto kong ginagastos ko ‘yung pera na kinikita ko,” sabi niya.

"So hindi. Hindi talaga," giit ni Kelvin.

Bibida si Kelvin sa upcoming “Encantadia” spin-off na “Sang’gre,” bilang si Adamus ang unang lalaking Sang'gre, na tagapangalaga ng  Brilyante ng Tubig.

Kasama niya sina Angel Guardian bilang si Deia, tagapangalaga ng Brilyante ng Hangin, Faith da Silva bilang Flamarra, tagapangalaga ng Brilyante ng Apoy, at Bianca Umali bilang si Terra, bagong tagapangalaga ng  Brilyante ng Lupa. — BAP, GMA Integrated News