Masayang inihayag ni Stell na maayos ang kinalabasan ng pakikipag-usap nila sa dati nilang management na ShowBT Entertainment. Kasabay nito, patuloy na makikilala ang kanilang grupo bilang SB19.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Stell na maitutuloy na ng kaniyang grupo ang kanilang mga plano ngayon na maayos na ang lahat sa ShowBT.
“Maayos po kaming nag-usap and right now, we can finally continue with everything that we want to do,” ani Stell.
Nitong nakaraang Nobyembre nang mapansin ng fans ng SB19 na tinatawag na A'TIN, ang pag-alis nila sa “SB19” sa kanilang official Instagram handles, at pinalitan ng MAHALIMA.
Sa naturang panayam, inihayag naman ni Stell ang kaniyang kalungkutan na nakansela ang PAGTATAG! World Tour nila sa Asya, tulad sa Singapore at Bangkok.
“Of course saddening siya na hindi natuloy kasi a lot of our fans are really looking forward to see us perform live,” saad niya.
BASAHIN: Japan concert ng SB19 sa December 9, 2023, 'ipinagpaliban'
Nangyari ang pagkansela sa kanilang concert makaraang umalis ang grupo sa ShowBT Entertainment.Noong Oktubre, inilunsad ng grupo ang sarili nilang kompanya na 1Z Entertainment, at itinalaga nilang CEO ang lider ng grupo na si Pablo .
“But for now, all I can say is let’s just wait for the news. Kasi we’re not sure pa kung ano ang next na gagawin namin,” ani Stell.
Sinabi rin niya na may mga bagay pa silang kailangan na asikasuhin.
“Isa-isa lang. Surely but smoothly,” pagtiyak niya kasabay ng mga susunod nilang plano.
Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ng 1Z Entertainment sa Facebook na mapapanatili nila ang kanilang pangalan na SB19 matapos ang amicable agreement sa ShowBT Philippines Corp.
“We formally announce that we have come to an amicable agreement with ShowBT Philippines Corp. through a fair and equitable resolution,” saad ng kompanya sa post.
“Thank you for your patience and unwavering support towards SB19 and 1Z Entertainment. Pablo, Josh, Stell, Ken, and Justin eagerly anticipate reconnecting with all of you in their upcoming endeavors. We can’t wait to see you all again soon,” ayon sa post. — FRJ, GMA Integrated News