Nagbigay ng pahayag sa pamamagitan ng Instagram post si Annabelle Rama kaugnay sa mga naglalabasang balita na hiwalay na ang anak niyang si Richard Gutierrez at asawa nitong si Sarah Lahbati. May mensahe rin si Annabelle sa tinawag niyang mga "Chismosang Marites."

"Mga Chismosang Marites! Tigilan nyo na ang gumawa ng maling kwento,” saad ni Annabelle sa kaniyang post noong Biyernes na makikita ang isang larawan na magkakasama ang kanilang pamilya pero kapansin-pansin na wala si Sarah.

"Lahat ng lumabas sa [social] media is all fake news," sabi pa ng palabang ina ni Richard.

Hiniling niya sa kaniyang followers na huwag nang dumagdag sa pagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa isyu.

"Malalaman niyo rin ang katotohanan in due time," ani Annabelle dahil na rin sa mga komento ng ilang netizens na tila siya sinisisi sa kung ano man ang problema ng mag-asawa.

"Baka ma-shock kayo at hindi na ako ang lalabas na kontrabida," dagdag niya. "Mali ang [bintang] n'yo sa akin."

 

 

Ayon pa kay Annabelle, siya man ay nagbigla sa mga pangyayari. Nilinaw niyang mahal niya ang kaniyang mga apo kaya ayaw niyang maghiwalay ang mag-asawa.

"Nagulat na lang ako, biglang dumating ang nanay at tatay galing ibang bansa. Doon na nag umpisa ang malaking gulo," saad pa niya sa post. "'Wag niyo ibagsak sa akin ang sisi."

Sinabi rin ni Annabelle na pinagbawalan siyang magsalita ng abogado.

"Kung hindi ako pinag bawalan ng lawyer na magsalita. Mag-enjoy sana ang buong mundo sa sasabihin kung kwento. Gigil na gigil na akong isiwalat ang katotohanan sa pangyayari pero wala akong magawa," patuloy niya. "abangan ang susunod na kabanata."

Ikinasal sina Richard at Sara noong March 2020, at may dalawa silang anak na sina Zion at Kai.— FRJ, GMA Integrated News