Pumanaw na sa edad na 84 ang veteran actor at advertising creative na si Manuel "Jun" Salazar Urbano Jr., na kilala rin bilang si "Mr. Shooli."
Ibinahagi ng kaniyang anak na si Banots Urbano ang malungkot na balita sa Facebook post nitong Sabado.
"A part of me has departed with you, love you," saad ni Banots sa post habang nagkukulitan sila mag-ama na may hawak na lightsaber.
"I will cherish this moment for the rest of my life. I love you so much, Dad, until we meet again," patuloy ng anak.
Nag-post din sa Facebook nitong Sabado ang University of the Philippines – College of Mass Communication (UP CMC) tungkol sa pagpanaw ni Urbano.
Nitong lang nakaraang Oktubre, tumanggap si Urbano ng Gawad Plaridel, ang pinakamataas na pagkilala ng unibersidad sa mga outstanding media practitioner.
Pinarangalan ng UP CMC si Urbano dahil sa "paglikha niya ng mga produksiyon sa telebisyon at pelikula na nag-angat sa nilalaman at anyo ng komedi, na maaring gamitin ng mga susunod na henerasyon ng mga midya praktisyuner bilang modelo sa paglikha ng mga akdang pangmidya na may mataas na uri at tunay na malasakit sa bayan."
Nitong nakaraang Agosto, ipinagkalaoob naman ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) ang Dr. Jose R. Perez Memorial Award kay Urbano dahil sa kaniyang "outstanding contribution to Philippine cinema."
Sa kaniyang pagtuturo sa tradisyonal na Gawad Plaridel lecture, binalikan ni Urbano ang mga salita ng kaniyang namayapang ama na National Artist na si Manuel Conde: "Mr. Shooli, if you want the patient to get well because he is very sick and he doesn't want to take the bitter medicine for him to get well, give him joke. Patawanin mo. 'Pag bukas na yung kanyang bibig tsaka mo ipasok 'yung gamot. And that's what I'm doing to you," saad niya sa UP System website.
Bilin din niya sa UP students at kabataang Pinoy: "This country is your country. The future of this country is your future. Then try to work on it. Use your knowledge to improve the country." – FRJ, GMA Integrated New