Ipinangako ni Allen Ansay na maghihintay siya sa tamang panahon sa kaniyang panliligaw kay Sofia Pablo.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy sina Sofia at Allen kung ano ang pangako nila sa isa’t isa.

“Hihintayin ko ang tamang panahon,” sabi ni Allen kay Sofia.

“Siguro pangako for me and for Allen, lagi kong uunahin kung saan ako at saan tayo magiging masaya,” tugon naman ni Sofia sa binata.

Diretsahang tinanong ni Tito Boy si Allen kung papayag siyang may ibang manligaw kay Sofia, at si Sofia kung papayag siyang magpaligaw sa iba.

“Hindi po,” tugon ni Sofia.

“Hindi rin po,” pagsegundo ni Allen. “Kung may liligawan man po ako in the future, (tumingin kay Sofia).”

Sa isang salita, inilalarawan ni Allen si Sofia bilang “love.” So Sofia naman, tila kinikilig na sumagot at dinugtungan ito ng “you” tungkol kay Allen.

Sa nakaraan nilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Enero, inilahad nina Sofia at Allen na “special friends” ang estado ng kanilang relasyon.

Matatandaang nabuo ang Team Jolly nina Sofia at Allen noong panahon ng pandemya, kung saan napapanood sila sa hit afternoon series na "Prima Donnas."

Hanggang sa pumatok ito sa netizens at bumida sila sa "Luv is: Caught in His Arms."

Muli silang mapapanood sa "Sparkle U: #Ghosted," sa Linggo ng 5:55 p.m. pagkatapos ng "24 Oras Weekend."-- FRJ, GMA Integrated News