Inihayag ni Ruru Madrid na nahanap niya sa katauhan ni Bianca Umali ang kaniyang "katapat," at "nagpatino" sa kaniya para magkaroon ng direksyon sa buhay.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda,” sinabi ni Ruru na isa si Bianca sa mga tao na nagpapaalala sa kaniya na palaging “tumapak sa lupa” o maging mapagkumbaba.

“Number one si Bianca. Kami ang laging magkausap dahil nakita niya ‘yung mga panahon na hirap na hirap ako, nakita niya ‘yung mga panahon na akala ko wala na ako mararating sa buhay na ‘to,” sabi ni Ruru.

Dahil sa kaniyang mga pinagdaanan, natuto si Ruru na pahalagahan pa ang mga biyaya na dumarating sa kaniya.

“Everytime na inaalala ko ang mga panahon na ‘yun, kung gaano kahirap marating kung nasaan ako ngayon, hindi ko na hahayaang maulit ‘yon. Hindi ko ite-take for granted lahat ng mga bagay na dumadating sa buhay ko dahil alam ko ang hirap ng wala,” saad ng “Black Rider” star.

Tinanong naman ni Tito Boy si Ruru kung paano siya napatino ni Bianca.

“Masasabi ko na nahanap ko ‘yung taong katapat ko. Totoo nga talaga ‘yun.”

Sinabi ni Ruru na noong bata pa siya, gusto niyang magkaroon ng anak ngunit hindi niya nakikita ang sarili na lalagay sa tahimik kasama ang isang babaeng kaniyang minamahal.

“Noong dumating siya sa buhay ko, I don’t know, for some reason, nakaramdam ako ng spark at sinabi ko na ito na ‘yung gusto kong makasama habang buhay,” sabi ni Ruru.

May tapang na inilahad ng aktor ang kaniyang nararamdaman sa dalaga.

“Hindi ko ’yun naisip dati but ngayon, sobrang proud ako na ipagmalaki na ‘yun ‘yung nararamdaman ko para sa kaniya,” sabi ni Ruru tungkol kay Bianca.

Huling nagkasama ang dalawa sa GMA series na “The Write One.”

Ipinagdiwang nila ang kanilang anibersaryo nitong Hulyo. -- FRJ, GMA Integrated News