Makakasama sa inaabangang upcoming series ng bagong henerasyon ng mga "Sang'gre" si Rhian Ramos. Isa kaya siyang kakampi o kalaban?
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing si Haring Hagorn ang tumatak sa "Encantadia" na malupit na kalaban ng mga "Sang'gre."
Ngayon, ipinakilala naman ang makapangyarihang diwatang gugulo sa mundo ng Encantadia.
“Isa siyang Ice Queen so I believe that it has something to do with that. Pero may mga makukuha din kasi akong kapangyarihan along the way so madadagdagan nang madadagdagan,” ayon kay Rhian.
Si Mitena ay kakambal ni Cassiopeia, ang karakter na ginampanan ni Solenn Heussaff sa Encantadia noong 2016.
Si Cassiopeia ang unang reyna ng Lireo, na hinati-hati sa limang elemento ang Mother Gem.
“Hindi lang kapatid but I am her twin, sabay kaming isinilang sa mundo ng ‘Encantadia.’ Kung iniisip niyo na encantadia lang ang nag-iisang world, marami pang mga iba't ibang area. Ang magiging area ko, or lugar ko, is ang ang Mineave, which is North,” paliwanag ni Rhian.
Inihayag din ni Rhian na napag-usapan nila ni Solenn ang tungkol sa naturang karakter niya.
“Nung una, actually, tinatanong ko, pinapa-confirm ko sa kaniya na ‘Uy, talaga ba? Totoo ba?’ Kasi nung una, chika pa lang eh, hindi pa nako-confirm sa’kin. So sabi ko, ‘Totoo ba na magkapatid tayo, magkakakambal tayo sa ‘Sang’gre’ and babalik ka ba as your character?’” kuwento ni Rhian.
“Nung una hindi pa niya kino-confirm, pero nung nagkita na kami nung Halloween, yes, it’s true at nag-Cassiopeia pa siya as her costume,” sabi pa ng aktres.
Kamakailan lang, ipinakilala na rin ang iba pang bagong kasama sa inaabangang serye na kinabibilangan ni Bianca Umali, na gaganap na si "Terra," ang anak ni Danaya, na tagapag-ingat ng Brilyante ng Lupa.
Kasama rin sina Faith Da Silva, Angel Guardian, at Kelvin Miranda bilang mga bagong Sang’gre.
Inihayag naman ni Direk Mark Reyes na magbabalik din si Rocco Nacino sa serye bilang si “Aquil” sa “Sang’gre: Encantadia Chronicles” na matutunghayan sa 2024. — FRJ, GMA Integrated News