Ikinuwento ni Shaira Diaz na bata pa lang siya ay madalas na umano siyang dalawin ng mga kakaibang nilalang sa kaniyang panaginip. Hanggang sa kaniyang paglaki, dala-dala niya ito pero tila mas tumindi gaya nang nangyari noon sa taping ng "Lolong."
“Noong bata talaga ako, weird pero laging about sa mga demonyo, mga witch ‘yung mga panaginip ko, mga patayan. Hindi ko alam kung bakit lagi akong nag-i-sleep paralysis,” kuwento ng Sparkle star sa nakaraang episode ng “AHA!”
Ayon pa kay Shaira, mas nakararamdam din siya kaysa nakakakita. Kung minsan, may naririnig siyang tunog ng mga kubyertos, kahit wala namang nag-a-ayos ng mga ito sa paligid.
Inalala niya rin ang isang hindi maipaliwanag na karanasan noong bago siya magdiwang ng kaniyang kaarawan.
“Biglang ang daming dumugo sa legs ko na parang sugat, parang may lubog sa gitna. Napag-isipan namin na magpatawas, and then ang sabi sa akin, may nasipa raw ako na something, may nagalit,” kuwento ni Shaira.
Hanggang sa nadala na ni Shaira ang mga paranormal na karanasan maging sa kaniyang pagtanda.
Isang beses noong nasa gubat ang lokasyon ng lock-in taping nila para sa "Lolong," nakaranas din ng kababalaghan si Shaira.
Sa kinukunan nilang eksena sa isang liblib na lugar, kailangang sumigaw ni Shaira na parang galit. Dahil dito, tila sumagot sa kaniyang panaginip ang isang elemento.
“Kinagabihan na ‘yun, binangungot ako, may sumisigaw din sa akin parang entity siya na black na mabuhok. Sumisigaw siya, ‘yung sigaw niya ‘Aaahh!’ as in galit talaga. Tapos sinasakal ako. First time kong makita na may entity” ani Shaira.
Magmula nito, lagi nang nagpaparamdam ang elemento umano kay Shaira sa set ng "Lolong."
Isang beses noong kinuha niya ang kaniyang bag, napansin niyang basang basa ng tubig ang kaniyang kama kahit wala namang tumutulo at hindi umuulan. Sinuri niya rin ang mga pader ngunit wala namang tumutulo.
Dahil dito, naglakas-loob si Shaira na kausapin ang kaniyang “secret stalker,” at sinabi ritong maniniwala siya kung mababasa rin pati ang kaniyang kumot at unan.
Hanggang sa may maramdaman siyang malamig at may tumutulo sa kaniyang braso.
“‘Huh paano nangyari ‘yun? Tsinek ko ‘yung ilalim, walang kahit na anong basa, tubig doon. Hindi siya tulo sa itaas. Sabi ko ‘Oh my gosh positive nga.’ Doon ako na-convince na meron nga!” sabi ni Shaira.
Tuwing matutulog naman siya, may nararamdaman siyang tumatapik sa kaniyang kama na tila ayaw siyang patulugin.
“Gabi-gabi na akong umiiyak, gabi-gabi akong gising, hanggang umaga ‘yun,” sabi ni Shaira.
Dahil dito, iniulat na ni Shaira sa production ang tungkol sa kaniyang nararamdaman, at tiyempo namang albularyo ang tiyuhin ni Rochelle Pangilinan.
“May nakita nga siya, sabi niya water element, isang entity na black na maliit na mabuhok,” kuwento niya.
Paliwanag ng anthropologist na si Nestor Castro, ang 'Undin' ay isang maliit na mukhang tao, at basa-basa.
“Mga water nymphs na matatagpuan sa mga lawa. Sila ay maliliit na mga nilalang na tagapagbantay sa ating mga lawa at nangingitlog sila roon. Kapag nasira mo ang kanilang tahanan o kaya nabasag mo ang kanilang mga itlog, sila’y naghihiganti,” sabi ni Castro.
“Feeling ko sumunod siya sa kuwarto ko,” sabi naman ni Shaira.
Alamin ang paliwanag ng isang faith healer kung bakit lapitin si Shaira ng mga elemento umano, at ang isinagawa niyang rituwal para lubayan na ang aktres.
Alamin din ang paliwanag ng isang science teacher kung posible nga kayang mabasa ang mga gamit kahit wala namang tumutulong tubig. -- FRJ, GMA Integrated News