Pumanaw na sa edad na 45 ang actor-comedian na si Joey Paras, ayon sa kaniyang kaanak nitong Linggo.

Sa ulat ng Pep.ph, kinumpirma ng kaniyang pamangkin na si Zciara Shyne Sinchon-Fabian sa Facebook post ang malungkot na balita.

"Unfortunately, his heart wasn't able to recover anymore," saad sa post kaugnay sa pagpanaw ng dating ng dating "Sunday Pinasaya" host dakong 5:40 p.m.

Hindi binanggit ang dahilan ng pagpanaw ni Joey pero nagkaroon ng problema si Joey sa puso noong 2018 at kinailangan siyang kabitan ng pacemaker.

Nang nakapanayam noon si Joey, ikinuwento niya na kinailangan siyang kabitan ng CRTP device o cardiac resynchronization therapy pacemaker para tulungang tumibok nang tama at ma-monitor ang kaniyang puso.

Napag-alaman na hindi iyon ang unang pagkakataon na inoperahan siya sa puso. Noong October 2016,  sumailalim na rin siya sa angioplasty.

Bumuti umano ang kaniyang kondisyon matapos ang unang operasyon hanggang nakaranas siya biglang pag-black out o nawalan ng mahal habang may ginagawang eksena.

Nang sumailalim siya sa ilang pagsusuri, nakitang mataas ang sugar level sa kaniyang dugo at may irregularity sa tibok ng kaniyang puso. Nakaranas din daw siya nang matinding palpitations kaya minabuti na niyang magpaospital noong 2018. --FRJ, GMA Integrated News