Inihayag ni Tito Boy Abunda na dati siyang takot na malaos, at ikinuwento kung paano niya ito hinarap.

Bilang bahagi ng week-long birthday celebration ni Tito Boy, siya naman ang sumalang sa hot seat at kinapanayam ng award-winning journalist at GMA Integrated News pillar na si Jessica sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Didiretsuhin kita, magkaibigan naman tayo eh. Takot ka bang malaos?” diretsahang tanong ni Jessica.

“Dati takot na takot akong malaos, pero hindi na masyado,” tugon ni Tito Boy.

Ibinahagi ni Tito Boy na kasalukuyan siyang may sinusulat na libro, at may chapter kung saan tinalakay niya ang tungkol sa isyu.

“The one immutable law in the business is that nothing lasts forever. We will all go,” sabi niya.

“Pero less ‘yung sakit ng pagiging laos in the context of the fame business kung panghahawakan mo sa sarili mo ‘yung worth mo,” pagpapatuloy niya.

Tinanong din ni Jessica si Tito Boy kung ano ang mensahe ng King of Talk sa 34-anyos na sarili nito.

“Be healthy, be happy, and be sexy. And do not ever be afraid,” payo ni Tito Boy sa sarili.

Bilang ang tunay na host ng programa, hindi natiis ni Tito Boy na interbyuhin din si Jessica, at tinanong niya rin ito kung ano ang mensahe ng Kapuso journalist sa 20-anyos na sarili nito.

“Relax ka lang. Masyado kang serious. Ever since, serious student din ako, Boy, katulad mo. Parang lahat, sineseryoso, kahit ‘yung mga simpleng bagay, so sana mas relaxed ako na tao,” sabi ni Jessica.

Sa pagbabalik-Kapuso ni Boy Abunda, sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" unang sumalang ang King of Talk para sa one-on-one interview, at nagpalitan din sila ni Jessica ng mga tanong sa iconic na "fast talk." —VBL, GMA Integrated News