Aminado si Katrina Halili na hindi niya kaagad nalaman na skilled sexy assassin ang magiging role niya sa upcoming Kapuso drama-action series na “Black Rider.”

Sa media conference ng “Black Rider” nitong Biyernes, ibinahagi ni Katrina ang kaniyang naging paghahanda sa kaniyang role bilang si Romana.

“Medyo nahirapan po ako kasi kailangan kong dumaan sa mga trainings, sa big bikes, mixed martial arts, kung anu-ano,” sabi ni Katrina.

 

 

“Noong unang tinanggap ko po ito, wala akong idea na ganiyan. Ang alam ko po, drug lord lang na mag-uutos-utos," sabi ng aktres.

Pero nagulat daw siya nang malaman niya kasama siya sa mga gagawa ng action scenes.

“Super shocked po ako na ang daming trainings po tapos ako po pala ‘yung gagawa ng action, akala ko taga-utos lang po,” saad ng Kapuso actress na nagduda sa sarili kung magagampanan niya ang role.

“Una, skeptic po ako sa sarili ko kasi nasanay na po ako sa hapon na nanay, iyak-iyak," saan niya. “Pero noong ginagawa ko na po siya, na-e-enjoy ko po siya. Happy po ako, medyo umiksi-iksi na nga po ang katawan ko.”

Natatawa rin niyang ikinuwento na na-pressure siyang magpapayat lalo na nang malaman ang mga bigating stars na kaniyang makakasama sa serye.

“Siyempre kinondisyon ko ‘yung sarili ko na pumayat ako. Noong nalaman ko na sexy assassin, na-stress na po ako lalo. Tapos kasama ko sina Ruru tapos Matteo, mas lalo po akong na-stress. Sobrang stressed po ako noong nalaman ko kung sino ‘yung mga kasama ko,” sabi pa ni Katrina.

Nakatulong naman daw ang mga traning niya para siya pumayat.

“Pero okay lang, sa stress na ‘yun, at least pumayat po ako, naging maliksi ulit po ang aking katawan," sabi niya. “Ang laking tulong na ibinigay sa akin ang role na Romana para lumapit-lapit ulit ako sa timbang ko dati,” pagpapatuloy ni Katrina.

Pag-amin pa ni Katrina, na-miss niya rin ang paggawa ng sexy roles.

Mapapanood na ang “Black Rider” simula Nobyembre 6 sa GMA Telebabad. -- FRJ, GMA Integrated News