Inihayag ni Joshua Garcia ang kaniyang pasasalamat kay Gabbi Garcia, na “dumadamay” sa kaniya para makahugot siya ng emosyon at makaiyak sa kanilang mga eksena sa “Unbreak My Heart.”

“Thank you Gabbi, thank you sa kind words. Ako with Gabbi, ang gaan lang ng pakiramdam ko with Gabbi. Gusto ko ‘yung presence niya ‘pag nasa taping kami na stressful ‘yung araw,” sabi ni Joshua sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras.

Kuwento ni Joshua, may mga pagkakataong titigil si Gabbi para tulungan siya nitong makadama ng mga kinakailangan niyang emosyon.

“And ang laki ng naitulong niya sa akin sa taping. Pagka nahirapan akong humugot ng emosyon ko, kahit hindi niya kailangang umiyak lalapit siya sa akin, aalis muna siya roon sa blocking tapos lalapit siya sa akin, dadamayan niya ako hanggang sa makaiyak ako,” anang aktor.

Inamin din ni Joshua na sa nalalapit na pagtatapos ng “Unbreak My Heart,” may ilang gabi siyang naiiyak dahil sa pagka-sepanx sa mga naging kaibigan na niya sa set.

Ito rin ang nararamdaman ni Gabbi.

“We already built a relationship on and off cam with everybody so it’s a bittersweet moment. I’m really grateful that I’ve worked with a partner who is really generous, who is very kind. And I hope we can work again together in a project soon,” sabi ni Gabbi tungkol kay Joshua.

Inilarawan ni Gabbi ang kaniyang leading man bilang “very generous” sa trabaho.

“Very open, very generous, palaging maraming pagkain na binibigay sa set. Lagi siyang may basket sa taping,” anang Sparkle actress.

Sa ulat naman ng Saksi, sinabi ni Gabbi na mapapakapit ang viewers sa intense na finale ng series.

Ayon kay Gabbi, dapat abangan kung magkakasundo pa ang karakter niyang si Alex, at ina nitong si Rose, na ginagampanan ni Jodi Sta. Maria.

Kahit na bittersweet ang pagtatapos, sinabi ni Gabbi na excited siya sa kaya pa niyang ipakita sa drama.

Dumalo sa finale media conference ng Unbreak My Heart si GMA Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, na sinabing masaya siyang makatrabaho ang partners tulad ng ABS-CBN at Viu.

Napapanood ang “Unbreak My Heart” tuwing Lunes hanggang Huwebes ng 9:35 p.m. sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies, at sa GTV ng 11:25 p.m. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News