Napuno ng tawanan at rebelasyon ang isang episode ng "TiktoClock" nang ibisto ni Kuya Kim Atienza na may crush si Faith Da Silva sa guest nilang si Sid Lucero.

Sa naturang episode, kasama ni Sid na bumisita sa "TiktoClock ang batikang aktres na si Isay Alvarez para mag-promote ng kinabibilangan nilang TV series na "Love Before Sunrise."

Ayon kay Sid, malapit nang lumabas at mapanood ang ginagampanan niyang karakter na si Roald Vibal. Kasama rin sa serye sina Dennis Trillo, Bea Alonzo at Andrea Torres.

Kasunod nito, sinabi ni Kuya Kim kay Sid na, "Alam mo Sid, paglabas na paglabas mo diyan, binulong sa akin ni Faith, 'Si Sid Lucero, crush ko 'yan.'"

BASAHIN: Sid Lucero, gustong makausap ang ex-gf na si Alessandra de Rossi

Dahil sa sinabi ni Kuya Kim, napuno ng tawanan na may halong kantiyawan sa studio.

Pinalo naman ni Faith si Kuya Kim dahil sa ginawang pambubuko sa kaniya.

"Ano ba, crush naman paghanga, 'di ba paghanga," depensa ni Kuya Kim.

BASAHIN: Edad ng lalaki, 'di importante kay Faith Da Silva

Si Isay, may rebelasyon din dahil napansin umano ni Sid si Faith at sinabi sa kaniya na, "Wow ang tangkad naman nu'n parang Barbie girl."

Natatawa si Sid na nagtatakip ng mukha. Pinagpapawisan din daw ang palad niya.

Nang hingan siya ng mensahe para kay Faith, nahihiyang sinabi ni Sid na, "Very nice to meet you."

Sinundan pa niya ng simpleng, "Hi," habang nakangiti.

Si Faith, sinabi naman kay Sid, "I'll make sure to watch 'Love Before Sunrise.'"

Bagay na pinuna ni Kuya Kim, dahil bigla umanong nag-ingles si Faith para kay Sid.

Sa segment na "Hale-hel hoy" game, may ginawa rin si Faith para tulungang manalo si Sid. Panoorin sa masaya at nakakikilig na video kung ano ito. -- FRJ, GMA Integrated News