Sa isang video sa Tiktok, humingi ng dasal ang dating beauty queen na si Marina Benipayo para sa kaniyang partner na si Ricardo Cepeda na inaresto kamakailan sa kasong estafa. May pakiusap din siya sa content creators at netizens na mali ang pagkakakilala sa kanilang paraan ng pamumuhay.
Ginawa ni Marina ang paghingi ng dasal at pakiusap matapos na makabasa ng mga masasakit na komento sa social media tungkol sa pinagdadaanan ng aktor at kanilang pamilya.
BASAHIN: Marina, biyayang itinuturing ang pagdating ni Ricardo sa buhay nila ng kaniyang mga anak
Dinakip noong October 7 si Ricardo sa Caloocan City dahil sa warrant of arrest na inilabas ng korte kaugnay sa kasong syndicated estafa na isinampa laban sa kaniya at sa iba pang akusado, na pinaghahanap pa.
BASAHIN: Aktor na si Ricardo Cepeda, dinakip dahil sa kasong syndicated estafa
Ayon kay Marina, pinayuhan sila na huwag nang magbasa ng komento sa social media tungkol kay Ricardo at sa kanilang pamilya. Gayunman, nais ni Marina na itama ang maling akala ng iba tungkol sa kanila, lalo pa't hindi naman talaga sila kilala nang personal.
Aniya, hindi tama na mag-post lang ang isang tao ng content at hahayaan na lang na pagpiyestahan ng mga tao. Giit niya, nagsisikap sila sa kanilang buhay at simple lang ang kanilang pamumuhay, taliwas sa akala ng iba na maluho silang tao.
“'Di yata tama 'yon. Naantala 'yung ginagawa namin sa araw-araw dahil sa nangyari. Kami po, nagsusumikap lang po kami while at the same time, trying to help as much people as we can dahil alam po namin ang pakiramdam ng paghihirap. Alam namin 'yon,” pahayag ni Marina.
Sa mga pumupuna sa kanilang "lifestyle," nilinaw ni Marina na hindi sila “high maintenance,” at hindi sila bumibiyahe sa iba't ibang lugar.
"Meron kasi diyan, yung iba akala nila napakayaman namin kaya nangyayari daw sa amin ito. Wala po. Unang-una, sasabihin niyo yung lifestyle, hindi niyo kami kilala. Pero alam na alam ng pamilya, ng mga kaibigan namin, mga kamag-anak namin, na napakasimple ng buhay namin. We're very low-maintenance. Hindi po kami nagbabakasyon. Road trip lang nga, malaking bagay na sa amin," paliwanag niya.
“We don't have expensive clothes, we just make the most of what we have. 'Yun nga din minsan ang tinuturo ko, you make the most of what you have,” paliwanag niya. “Pero kahit ano pang gawin namin, low-key na nga kami, hindi rin kami lumalabas, wala, ganun pa rin ang nangyari.”
Ipinaalala ni Marina sa content creator na maging responsible at suriing mabuti ang kanilang pino-post at maging sa mga komento.
“And dun sa content creator, dahil ikaw ang nag-post, you're also responsible for lahat ng comment na lalabas and reactions,” saad niya.
Nilinaw din ni Marina na iba sila ni Ricardo sa tunay na buhay, kumpara sa mga role na kanilang ginagampanan sa mga proyekto sa TV o pelikula na madalas silang mapanood na kontrabida.
@marina_benipayo No hate, please. Just prayers. #NoHate #life ? original sound - Marina Benipayo
“Nata-target si Ricardo dahil sa characters na pino-portray niya sa TV, or 'yung sa tingin ng ibang tao ganun kami, hindi po. Sana po matuto po tayo to discern what is the truth,” pakiusap niya.
Pakiusap naman niya sa mga netizen, “Lagi kong sinasabi, if you doubt, don't buy. Ganun din po 'yun. Nagdududa kayo sa nakikita ninyo, nababasa ninyo, 'wag na po kayo mag-comment na lang.”
Sa video, ipinakita rin ni Marina ang mensahe mula sa kaniyang anak na si Mark na sinabing "wrongfully accused" ang kaniyang ama.
Ipinaliwanag nito na product endorser lang si Ricardo at isang brand ambassador at hindi parte ng kompanya na sinasabing dawit sa investment schemes.
Ayon Marina, hindi dumadalo si Ricardo sa mga pakikipag-usap tungkol sa mga nag-i-invest, at wala rin itong pinipirmahang mga papelas. --FRJ, GMA Integrated News