Nagtungo sa Tel Aviv, Israel para sana sa isang show sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, at Boobay, kasama ang mga staff ng Sparkle GMA Artist Center, pero hindi na ito natuloy matapos ang nangyaring pag-atake ng grupong Hamas sa nasabing bansa.
Gaganapin sana ang show na "Luv Trip Na, Laff Trip Pa," sa Smolarz Auditorium sa Tel Aviv University pero kinansela dahil sa nangyaring pag-atake ng Hamas sa Israel nitong Sabado.
Sa Instagram post, sinabi ng Sparkle na babalik sa Manila ang buong Sparkle team as scheduled.
"In view of the recent reports we are getting from Tel Aviv, the management of Sparkle would like to announce that Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Boobay and the Sparkle Team who are currently in Israel now for a concert are all safe."
"We thank everyone for their well wishes as we pray for their continued safety and protection."
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend," sinabi nina Julie Anne, Rayver, at Boobay, na natutulog sila nang magkarinig sila ng mga ingay at pagsabog.
"Nawindang kaming lahat," ani Julie Anne. " Tulog kaming lahat bigla kaming nagising kasi yung may naririnig kaming mga sumasabog na nga."
Sinabi naman ni Rayver, kahit malayo sa kanilang lugar ang pag-atake ay dinig pa rin nila ang tindi ng mga pagsabog.
Nitong Sabado isinagawa ng Hamas ang pag-atake na may kasamang mga rocket mula sa Gaza, at pag-salakay sa ilang bayan sa Israel.
Tinatayang nasa mahigit 24,000 ang Filipino na nasa na pinayuhan ng embahada ng Pilipinas na labis na mag-ingat.
Pansamantalang isinara ang Philippine Embassy doon pero tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Pinoy community.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, wala pa silang namomonitor na Filipino na naging biktima ng kaguluhan.
Sinabi naman ng Overseas Workers Welfare Administration na sinusubaybayan nila ang kalagayan ng nasa 200 overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Gaza.—FRJ, GMA Integrated News