Inihayag ni EA Guzman na ayaw niyang ma-typecast noon sa gay roles, kaya nagpahinga muna siya sa pagtanggap ng mga ito.

“Noong 2017, Deadma Walking, after no’n, napansin ko parang nata-typecast ako. So sabi ko ‘pahinga lang saglit,’” sabi ni EA sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles.

“Babalik pa rin naman ako. Hindi ko isinasara ‘yung pinto. Ngayon ginagawa ko ‘yung Super Mamshie, and I’m looking forward na gumawa ulit po ng pelikula na kahit bading ako or teleserye man ‘yan, I’ll do it,” anang Kapuso actor.

Si Super Mamshie ang karakter ni EA sa Bubble Gang, na isang superhero na fabulous na handang ipagtanggol ang mga accla laban sa mga mapang-aping brusko.

Matatandaang gumanap na rin si EA bilang isang bading sa mga pelikulang “Pare, Mahal Mo Raw Ako” (2016) at “Deadma Walking” (2017). —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News