Naging tapat sa pagsagot si Donita Nose nang sumalang kamakailan sa "hot seat" ng programang "Sarap, 'Di Ba?." Dito, tinanong siya ni Carmina Villarroel kung sinukuan na niya ang pagkakaibigan nila ni Tekla at propesyonal na lang ang kanilang samahan?

Natawa at napa-Oh my gosh! muna si Donita sa tanong saka niya inamin na nangyari na noon at "dumating sa point" na sinukuan na niya ang pagkakaibigan nila ni Tekla.

Alam naman daw ito ng kanilang followers dahil minsan na rin naman nila itong pinag-usapan ni Tekla sa vlog.

"Kinausap ko 'yon actually, nasa vlog namin 'yon. 'Yung umiyak na talaga ako. Sobrang wala, desperado na ako na parang hindi ko na alam ang gagawin ko sa kaniya," ayon kay Donita.

"Sumuko talaga ako that point. Siguro mga ano rin, nine months kaming 'di nag-usap," patuloy niya.

Pero naayos naman daw nila ni Tekla ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

"Okay naman na kami. Siya kasi medyo 'yung utak talaga noon minsan ganoon. Minsan nawawala, nagaganito, nagaganyan," lahad ni Donita. "Ako 'pag gusto ko siyang ayusin, to the point na kaya ko naman at kaya kong tumulong, kaya ko siya pagsabihan, ginagawa ko naman. Pero kung 'yung tao kasi hindi na talaga kaya 'yung mga sinasabi ko talagang bibitaw ka."

Si Tekla rin umano ang gumagawa ng daan para magkaayos silang muli at ngayon ay nagkakasama na muli sila sa mga show.

"Siya naman nag-reach out. Sabi niya ''Te halika na mag-vlog na tayo ulit. Kakatapos lang ng tour namin, 'yung Canada. May upcoming shows pa kami na magkasama," sabi pa ni Donita.

Bagaman pumasok na rin daw sa isip niya na maging propesyonal na lang ang kanilang relasyon ni Tekla para sa trabaho, pero mahirap daw itong gawin.

"Minsan sinasabi ko sa kaniya na maging professional na lang tayo, trabaho lang tayo. Pero hindi pa rin e. Hindi mo pa rin talaga magagawa nang tama 'yung trabaho ninyong dalawa kung mayroong namamagitan sa inyo na parang trabaho lang 'to," paliwanag niya na mas maganda pa rin  na magawa nila ang kanilang trabaho na magkaibigan. --FRJ, GMA Integrated News