Nagmula sa kilalang angkan ng mga Reyes at Cojuangco ang aktres na si Sophie Albert, na pamangkin ni Kris Aquino. Bakit nga ba hindi niya ginamit ang naturang mga apelyido nang pumasok siya sa showbiz?

“I don’t want to say naman na ayaw, but I grew up being a Reyes. And in showbiz, ang dami nang Reyes. So they asked me, ‘Maybe you wanna change it, and maybe you wanna change it to Cojuangco,’” kuwento ni Sophie sa nakaraang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda."

“And I felt like it was such a big responsibility to make it Cojuangco, and I grew up not having that in my name. So I chose to have my mom’s middle name instead,” pagpapatuloy niya.

Gayunman, nilinaw ng aktres na hindi ito nangangahulugan na hindi niya gusto ang epelyidong Cojuangco o Reyes.

“It’s not naman na ayoko, no naman,” saad ni Sophie.

Sa isang panayam sa kaniya noon ng Pep.ph, inihayag ni Sophie na isang Cojuangco ang kaniyang ama.

Ang kaniyang lola na si Josephine Cojuangco-Reyes, ina ng kaniyang ama, ang nakatatandang kapatid ni dating Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino, na ina ni Kris.

Kaya lola niya si Cory, at tiyahin naman niya si Kris.

Si Reyes ay naging chairperson ng Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation Board of Trustees, at naging ika-pitong pangulo ng FEU mula 1985 hanggang 1989.

Dahil tiyahin niya si Kris, madalas ding nakikita noon ni Sophie si Tito Boy sa mga family gathering.

“Tito Boy I used to watch you every Sunday and my mom, like I never missed an episode of you guys. So of course, whenever I you na-starstruck ako kasi ‘Ganoon pala ‘yung hitsura niya in person.’ Pero I’ve been a fan ever since,” komento ni Sophie tungkol kay Tito Boy.

Ayon kay Sophie, hindi sila masyadong nagkikita ng kaniyang tita na si Kris, at malaki rin umano ang agwat ng edad ng kaniyang ama kay Kris.

Mapapanood si Sophie sa upcoming series na The Missing Husband sa GMA Afternoon Prime at Pinoy Hits sa Agosto 28, Lunes hanggang Biyernes ng 4:05 p.m.-- FRJ, GMA Integrated News