Malaki ang pasasalamat ni Rocco Nacino sa natatanggap na mga payo tungkol sa pagiging ama mula sa mga Kapuso dad tulad nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
Sa podcast na “Surprise Guest with Pia Arcangel,” inilahad ni Rocco na nakatanggap din siya ng gabay mula kina Rodjun Cruz, Carlo Gonzales, Mark Herras, at Joross Gamboa.
“Yun ang naging bonding namin ni Dennis — si Dennis Trillo sa ‘Maria Clara at Ibarra.’ Kasi halos sabay ata kami, nauna lang siya ata ng isang taon, so I was asking a lot of tips from him,” sabi ni Rocco.
“Si Dong and Carlo, was when I'm preparing to propose and to get married, yung mga ano, ano ba ang mga dapat isipin,” dagdag niya. “So buti na lang may mga mako-consider ka na kaibigan sa showbiz talaga,” patuloy niya.
Ayon kay Rocco, makare-relate na siya sa kaniyang mga kaibigan na tatay din sa kani-kanilang mga anak.
“Parang sinasabi ko na, ‘ay ito pala yung sinasabi nila na sabi nila mababago ang priorities mo, mababago yung motivation mo, tsaka para makapag-provide. It changes,’” dagdag pa ni Rocco.
Ngayon, hindi na raw iniisip ni Rocco ang kaniyang sarili kapag nagsa-shopping.
“Goodbye sa mga kotse, goodbye sa mga relo, sa mga luho,” saad niya. “Tsaka ‘yung pagod mo, kahit anong pagod mo galing sa taping — pag-uwi mo, makita mo lang ‘yung ngiti ng bata, wala, buhay ka na ulit.”
Ikinasal sina Rocco at Melissa noong Enero 2021. Isinilang ni Melissa ang kanilang anak na si Ezren Raffaello, o EZ, Oktubre noong nakaraang taon. --FRJ, GMA Integrated News