Inihayag ni Rocco Nacino na bago pa man siya mag-audition sa "Starstruck" at makapasok sa showbiz industry, nagpaplano na siyang lumipad patungong Amerika upang magtrabaho bilang nurse.

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ni Rocco na matapos makuha ang kaniyang nursing license, naghahanda na siyang pumasok sa mundo ng medisina.

"I was licensed so ang plan ko was either go to the States, work, stay there, come back after X number of years and start investing dito sa Pilipinas," kuwento niya.

"Or tahakin ang totoong dream ko, maging isang doctor, isang pediatrician, stay here and nagre-ready na ako mag-apply sa isang school," pagpapatuloy ni Rocco.

Gumagawa na rin noon ng mga TV commercial si Rocco bilang sideline, ngunit hindi ito ang orihinal niyang plano.

"Andiyan lang siya until may nagsabi sa akin na, 'Alam mo puwede ka sa 'StarStruck,' subukan mo nga.' Sabi ko ayaw ko, hindi bagay sa akin, nahihiya ako may ganun-ganun pa," kuwento ng aktor.

"Until daddy ko ang nagsabi sa akin, gawin mo, hindi mo naman alam kung para sa 'yo 'yan e. So nung time na 'yun sabi ko sige, sige . Since wala pa akong trabaho, so I enrolled in this public acting workshop at dahil wala akong pambayad doon," saad ng “The Missing Husband” actor.

Sunod nito, nagtrabaho rin siya bilang call center agent ng ilang buwan at ginamit ang kaniyang mga naipon para magbayad sa isang acting workshop.

"Then towards the end, kalagitnaan ng workshop na 'yun that was the audition for 'StarStruck,' so I wasn't able to finish the workshop sa ibang network. Tapos dahil nga napasok ako sa Top 14 and then nagtuloy-tuloy na until nakita ko na, oh ito na talaga 'yung passion ko," balik-tanaw ni Rocco.

Itinanghal si Rocco bilang Second Prince sa ikalimang season ng StarStruck noong 2010.

Sa upcoming series na "The Missing Husband," makakasama ni Rocco sina Yasmien Kurdi, Jak Roberto, Sophie Albert, Joross Gamboa, Nadine Samonte, Shamaine Buencamino, Michael Flores, Maxine Eigenmann, Cai Cortez, Bryce Eusebio, at Patricia Coma.

Mapanood ang The Missing Husband sa GMA Afternoon Prime at Pinoy Hits sa Agosto 28, Lunes hanggang Biyernes ng 4:05 p.m. --FRJ, GMA Integrated News