Dahil hiwalay na sila ng kaniyang dating partner na si Lee O’Brian na ama ng kanilang anak na si Malia, payag kaya si Pokwang na palitan ang apelyido ng bata?

Sa episode ng "Dapat Alam Mo!" nitong Miyerkoles, sumalang sa lie detector test si Pokwang at sinagot ang mga maiinit na tanong na ibinato ng mga host na sina Kuya Kim Atienza at Susan Enriquez.

Papayag nga ba si Pokwang na palitan ang apelyido ni Malia?

“Yes na yes na yes," sabi ni Pokwang na gustong apelyido niya ang gamitin ng anak. Siyempre, deserve ng anak ko ‘yung pangalan na inaalagaan at minamahal siya at binibigyan siya ng oras.”

Nang tanungin kung bakit gusto niya itong papalitan, sabi ng aktres, “Saan siya? Hindi naman siya maramdaman eh. Para ano pa?”

Hindi rin umano nakita ni Pokwang na nalungkot ang anak niyang si Malia nang magkahiwalayan sila ng ama nito.

“Wala. Mas umiiyak siya ‘pag wala ako sa tabi niya. Siguro kasi nga kagaya ng sinabi ko wala siyang naipundar na bonding sa anak ko, walang emotional investment,” kuwento ng aktres.

“Ako ang talagang tumodo eh. Kaya ‘yan ang lesson sa akin ngayon. Dapat nagtitira ka ng para sa sarili mo,” saad ni Pokwang tungkol sa natutunan niya sa pag-ibig.

Samantala, inilahad din ni Pokwang na may mga manunuyo sa kaniya ngayon.

“Maraming nag-a-apply. Kaya lang naku sandali, kapag nalaman niyo ‘yung monthly amortization ko baka hindi na kayo magparamdam,” natatawa niyang sabi.

Sa kabila nito, wala pa naman siyang napupusuan.

“Wala, ayoko muna ngayon. Hindi ‘yan ang kasagutan sa akin. Kuya Kim, magtatrabaho tayo nang magtatrabaho, ‘yun ang [goal] ko ngayon,” anang aktres.

Inilahad niya ang kaniyang kondisyon kung sakaling may foreigner ulit na manligaw sa kaniya.

“Siguro ‘yung may trabaho na, may sarili siyang kita,” sabi ni Pokwang. -- FRJ, GMA Integrated News