Binalikan ni Marvin Agustin ang kaniyang buhay noon na nag-e-enjoy siya sa pagiging isang waiter at mascot sa restaurant kaya tinanggihan niya ang ilang alok na maging artista.
"Noong nadi-discover ako para maging artista, ang kapal ng mukha ko, nagno-'no' ako," sabi ni Marvin sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.
"Kasi masayang-masaya ako nagwe-waiter no’n, pag-aaralin ako sa umaga tapos magtatrabaho sa Tia Maria's sa gabi. Tapos ang gusto ko no’n, maging manager ng restaurant," pagpapatuloy ni Marvin tungkol sa kaniyang pangarap.
Bukod sa pagtugon sa pangangailangan ng mga customer, sumasayaw din si Marvin sa tuwing nagse-serve ng Margarita.
"Pinapasayaw kami ng customers kasi kasama 'yun sa buong presentation," pag-alala niya.
Bukod sa pagiging waiter, nagtrabaho rin siya bilang mascot ng isang pizza restaurant.
Sa kabila ng pag-e-enjoy niya sa trabaho, hindi rin maiwasan na magkaroon ng hindi magagandang karanasan si Marvin.
"Minsan natatakbuhan ako ng customer [sa] kakasayaw ko," kuwento niya.
"'Yung habang nagsasayaw ako, sabi ko, 'Nasan na 'yung customer du’n?' Wala na pala, umalis na. So nagbayad pa ako."
May-ari na ngayon ng nasa 50 restaurant si Marvin.
"'Wag na 'wag mong kakalimutan 'yung experience mo ngayon because magiging sandata mo 'yan kapag medyo nagiging complacent ka na sa buhay," sabi niya.
"Kaya 'yung hunger na naranasan ko dati, na-realize ko na it's a character, it's a good trait of a human being para hindi ka tumigil sa gusto mong gawin sa buhay. 'Yung hunger, Tito Boy, hindi ko siya kinakalimutan," pagpapatuloy ni Marvin. --FRJ, GMA Integrated News