Grateful ang Fil-Am rapper na si Ez Mil matapos ang collaboration nila ng idolo niyang si Eminem para sa bago niyang track na “Realest.”
“But it’s just surreal, it’s surreal,” sabi ni Ez Mil sa panayam sa kaniya ni Cata Tibayan sa Saksi.
Sa kantang “Realest,” ibinahagi ni Ez Mil ang tungkol sa pagsisimula ng kaniyang career at mga tagumpay sa hinaharap, habang nagbitaw naman si Eminem ng isang powerful verse tungkol sa pagbangon mula sa mga kritisismo at ang pagpapatuloy bilang isang artist.
Sinabi ni Ez Mil na malaki ang kaniyang pasasalamat sa oportunidad, at honored siyang maka-collab ang American rapper.
Hiling ni Ez Mil na masilayan pa sana ng buong mundo ang galing ng musikang Pinoy.
“Keep going. Ipagpatuloy mo lang. Huwag mong susukuan ang pangarap mo, kaya mo ‘yan, kaya natin ‘to,” sabi ni Ez Mil.
Si Ez Mil, na si Ezekiel Miller sa tunay na buhay, ay ipinanganak sa Olongapo ngunit nakabase na ngayon sa Las Vegas, Nevada. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News