Sa edad na 45, inilahad ni Allen Dizon na hindi siya natatakot kundi excited pa nga siya na tumanda.

“Actually Tito Boy, gusto kong tumanda, excited ako,” sabi ni Allen sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.

“After ng pandemic, hindi natin alam kung kailan tayo mabubuhay.”

“Parang gusto kong maging 50, 60, 70. Gusto kong i-enjoy lahat ‘yung time na nasa industriya ako, kasama ko ‘yung mga kaibigan ko, kasama ko ‘yung family ko, kasama kita na tatanda ka nang marami kang natutunan, marami kang maikukuwento sa Diyos na ito ‘yung time na nag-e-age ako, ang dami kong naging memories sa buhay ko,” pagpapatuloy ni Allen.

Higit dalawang dekada na sa showbiz industry si Allen, na isa ring sexy actor noong '90s.

Inilahad din ni Allen ang aral na kaniyang natutunan sa tagal na niya sa pag-aartista.

“Siguro kung paano makisama sa mga tao, kung paano ang pakikitungo mo sa mga tao, mga kapwa artista, mga kasama sa set, kung paano ‘yung pagiging totoo mo sa mga tao.”

Gumaganap si Allen bilang si doctor Carlos Benitez, na nakilala si Lyneth Santos ginagampanan ni Carmina Villarroel. — VBL, GMA Integrated News