Proud na inihayag ni Radson Flores na ang kaniyang pamilya ang may-ari ng masarap at patok na Tipas Hopia na patok sa panlasa ng masa.

Sa “Surprise Guest with Pia Arcangel” podcast, sinabi ni Radson na ito ang family business ng kaniyang lolo at lola.

“Familiar po ba kayo sa hopia? ‘Yun po ang business ng family po namin, alam niyo po na naka box na Tipas Hopia?” sabi ni Radson, na ikinagulat ng host na si Pia Arcangel.

“Sa family ko po. Sa kanila ‘yun,” anang "Voltes V: Legacy" star.

“OMG! Siyempre lahat tayo alam namin ‘yung box ng Tipas. Grabe sa inyo pala ‘yun,” natutuwang sambit ni Pia.

“Favorite ko ‘yung hopia baboy ninyo. Alam mo ‘di ba usually ang mga bata gusto nila monggo, ta’s takang taka ‘yung magulang ko bakit ako baboy ‘yung gusto ko, kasi favorite ko talaga ‘yung hopia baboy. Tsaka kailangan hopia baboy ng Tipas, iba ‘yung hopia baboy ng Tipas,” kuwento pa ng Kapuso news anchor.

Natutuwa namang ipinaalam ni Radson na may bagong flavor ang kanilang hopia.

“Pero meron po akong bagong flavor na nilabas, ‘yung pastillas, ayun ‘yung pinaka-time lang talaga na kumain ako ng hopia, sobrang sarap na sarap talaga ako,” sabi ni Radson.

Gumaganap si Radson bilang si Mark Gordon sa live-action adaptation na Voltes V: Legacy. -- FRJ, GMA Integrated News