Inihayag ni Andrea Torres na single siya ngayon at may limang manliligaw. Naniniwala rin ang aktres na sadyang may panahon pagdating sa pag-ibig. 

“Are you in a relationship?” tanong ni Boy Abunda kay Andrea sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

“No Tito Boy,” sagot ng Kapuso actress. “Single.”

Ayon kay Andrea, sumobra siya sa pagiging home buddy, at hindi muna ipinakikita na bukas siya sa dating.

“Naniniwala po kasi ako Tito Boy na may season for that, hindi mo siya kailangang hanapin,” saad niya.

“Like ako, home buddy ako, kung time ko na talaga, maybe sa isang punta ko sa grocery nandoon siya. Hindi ko siya kailangang pag-effort-an talaga,” pagpapatuloy ni Andrea.

Sa Fast Talk segment, tinanong si Andrea kung ilan ang kasalukuyan niyang manliligaw.

“Five,” natatawang tugon ni Andrea.

Gayunman, sinabi niyang noong nakaraang apat na buwan pa ang kaniyang huling date.

Mula 1 hanggang 10, sinabi ni Andrea na “8” ang kaniyang rating pagdating sa bilis niyang mag-move on, at “8” din pagdating sa kung gaano siya kasaya ngayon.

Ngunit inilahad ni Andrea ang mga hindi niya kayang isakripisyo pagdating sa relasyon.

“My values, family, and ngayon na-realize ko po, ‘yung dreams ko, mga personal kong pangarap,” tugon niya.

“Dati kasi meron akong ganu’ng thinking, parang ‘All mine to give,’ ang sarap kasi ng feeling na ganu’n. Pero na-realize ko po na hindi, dapat balanced lang parati,” ayon pa sa aktres.

Hindi raw bukas si Andrea na makipagbalikan sa ex.

Kung martir ba siyang magmahal, sinabi ni Andrea na “Oo, pero hindi na ngayon.”

Para rin kay Andrea, hindi dapat i-stereotype ang mga lalaki pagdating sa pag-ibig.

“Kung kilala ang isang tao bilang, let’s say playboy. Baka kasi nandoon na siya sa time ng buhay niya na nag-mature na siya. So hindi porke ‘yun ang image niya, ‘yun na agad ang judgement mo sa tao,” aniya.

“I feel din Tito Boy na may tamang lalaki for you. Hindi porke’t hindi nag-work ‘yung relationship niyo, merong isa sa inyo na may diperensiya. Meron lang tamang personality for your personality and vice versa,” sabi pa ni Andrea.

Mas natuto na si Andrea ngayon pagdating sa pag-ibig.

“Feeling ko I’m stronger than I think… Kasi kapag in love ka feeling mo parang guguho ang mundo kapag nagkahiwalay kayo. Pero every time you go through a relationship, nagbi-build sa karakter mo na ‘Ay, kaya ko pala.’ So mas nagiging confident ka,” sabi niya. --FRJ, GMA Integrated News