Inabsuwelto ng korte sa London ang Hollywood actor na si Kevin Spacey sa kasong sex offenses na isinampa laban sa kaniya ng apat na lalaki. Ang aktor, hindi napigilan maiyak nang madinig ang desisyon.

Sa ulat ng Reuters, sinabing pinawalang sala ang 64-anyos na Oscar-winner sa siyam na kaso, kabilang ang "sexual assault, causing a person to engage in sexual activity without consent, and causing a person to engage in penetrative sexual activity."

Naiyak umano si Spacey nang ihayag na ang not guilty verdict ng jury.

Sa paglilitis na tumagal ng apat na linggo sa Southwark Crown Court, sinabi ng prosekusyon sa jurors na, "the actor had aggressively groped three of the men" na nangyari sa pagitan ng 2004 at 2013 sa Britain, habang nagtatrabaho si Spacey sa Old Vic theatre sa London.

Inakusahan naman ng isa pang naghabla na nagsagawa umano sa kaniya ng oral sex si Spacey nang mawalan siya ng malay habang nasa apartment ng aktor sa London. — Reuters/FRJ, GMA Integrated News