Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, ibinahagi ni AiAi delas Alas kung papaano niya pinoprotektahan ang relasyon nila ni Gerald Sibayan bilang mag-asawa.

Kasama sa ibinahaging 10 Rules ni AiAi sa buhay, pag-ibig at career ang "Huwag pumatol sa asawa ng may asawa."

Ayon kay AiAi, minsan nang may isang babae ang nagparamdam umano ng interes kay Gerald na kaniyang kinompronta sa pamamagitan ng text.

"Tine-text ko. Sabi ko, 'Natutulog na asawa ko. Sino ka ba? Bakit ka nagte-text?'" pagbabahagi ni AiAi.

Aminado naman ang aktres na selosa siya, at may pagkakataon na mayroon siyang pinagseselosan.

"Kumbaga, masisimulan pa lang, inuunahan ko na," saad niya.

Gayunman, wala pa naman siyang nakompronta nang harapan.

"Pero mabait kasi si Gerald, so wala naman akong problema sa ganyan," ani AiAi, nagsabing tiwala siyang hindi siya ipagpapalit ng kaniyang asawa at mahigit siyam na taon na silang nagsasama.

Inilahad din ni AiAi na "go" siya kapag "nangalabit" ang kaniyang asawa na 30 taon na mas bata sa kaniya.

“Mag-adjust ka kapag nangangalabit si mister. Magpakaplastic muna, kunwari may gana, para magtagal kayo nang bonggang bongga,” sabi ni AiAi.

“Ibig sabihin niyan, matanda na ako, bata siya. Kapag nangangalabit siya, medyo ayoko na pero wala rin naman akong choice kasi asawa ko siya. Kaya ‘go’ nang ‘go’,” natatawa pa niyang pahayag.

Aminado si AiAi na dahil sa kaniyang edad, hindi na siya masyadong sensual at hindi na niya gaanong hinahanap-hanap ang romansa.

Naintindihan naman ni Gerald ang kanilang sitwasyon bilang mag-asawa.

Ikinasal sina AiAi at Gerald noong Disyembre 12, 2017. -- FRJ, GMA Integrated News