Kilala sa kaniyang pagiging “Comedy Queen” at matagal na sa showbiz industry, ibinahagi ni AiAi delas Alas ang kaniyang 10 rules pagdating sa buhay, pag-ibig at career.  Kabilang dito na kung may asawa na,  huwag nang patulan.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, ibinahagi ni AiAi ang mga pamantayan, kabilang ang pagiging loyal sa pag-ibig at kung paano maiiwasan ang inggit.

1. 'Pag may asawa na, huwag nang tumingin sa iba. Ang totoong nagmamahal ay parang matinong estudyanteng nag-e-exam, hindi tumitingin kahit nahihirapan!

"Dapat ay hindi tayo tumitingin sa iba. Lalong-lalo na kung tayo ay taken na,” sabi ni AiAi.

2. Huwag pumatol sa asawa ng may asawa. Ang Makati ay lugar sa Kamaynilaan, huwag ugaliin. Ito na lang ay kamutin.

Ibinahagi ni AiAi na noong minsang may isang babae ang nagparamdam sa asawa niyang si Gerald Sibayan, kinompronta niya ang babae sa pamamagitan ng text.

"Tine-text ko. Sabi ko, 'Natutulog na asawa ko. Sino ka ba? Bakit ka nagte-text?'" pagbabahagi ni AiAi.

3. Mag-adjust ka kapag nangangalabit si mister. Magpaka-plastic muna, kunwari may gana para magtagal nang bonggang-bongga!

"Ang ibig sabihin niyan, matanda na ako, bata siya. ‘Pag nangangalabit siya, medyo ayoko na pero wala naman akong choice kasi asawa ko siya kaya go nang go!" sabi ni AiAi.

4. Okay lang gastusan ang minamahal mo. Pero pag ikaw ang laging gumagastos, isip-isip din dahil hindi tama ang magmahal nang mahal.

Inamin naman ni AiAi na bumili na siya noon ng mga mamahaling bagay para sa kaniyang minamahal, kabilang ang kotse.

5. Mga anak, huwag mag-jowa ng ayaw ni mommy. Baka lokohin ka lang o gawing sugar daddy o sugar mommy.

Bagama’t hindi pa man siya natawag noon bilang isang sugar mom, sinabi ni AiAi natawag na siyang isang “cougar” dati.

Ngunit binalewala ito ng Kapuso Comedy Queen, na sinabing hindi siya apektado nito.

6. Matuto kang pumikit kapag ikaw ay naiinggit. Kaysa naman lait ka nang lait. Masahol ka pa sa pangit.

"Ibig sabihin no'n, kunwari diba may mga nakikita ka, lalo na sa social media tapos 'yung iba, mga naiingit, tapos 'yung iba, kaya naiiinggit, bina-bash ka. So dapat, kung inggit, pikit," sabi ni AiAi.

7. Magsipag sa trabaho. Maging mabait na katrabaho. Huwag lang jowain ang taken na katrabaho.

"Kailangan makisama sa trabaho mo pero pag may jowa na katrabaho mo na nagkagusto ka, huwag mo nang jowain, hindi maganda!" pagbabahagi niya.

8. Huwag maka-sure sa mga hanash mong hindi sure. Kasi malay mo, dito ka pala belong sa tamang panahon.

"Ibig sabihin diba, minsan marami kang sinsasabi sa mga bagay-bagay, tapos dun pala, dun ka rin naman pala babagsak," sabi ni AiAi.

9. Iwasan ang lover's quarrel kapag nasa mataas na lugar because it's lonely at the top.

"It's very lonely!" anang komedyana.

10. Put God at the center of your relationship because you will never go wrong.

Ibinahagi ni AiAi na pareho silang nagdadasal ng kaniyang asawa sa tuwing may nararamdaman silang problema sa kanilang relasyon.

Ikinasal sina AiAi at Gerald noong 2017 sa Christ the King Parish Church sa Quezon City.

Nag-renew sila ng kanilang vows sa Las Vegas noong 2022.-- FRJ, GMA Integrated News