Inihayag ni Katrina Halili na mayroon siyang nobyo ngayon. Handa na kayang lumagay sa tahimik ang aktres at magkaroon ng bagong baby?

“You have a boyfriend?” tanong ni Tito Boy kay Katrina sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

“Yes,” tugon ni Katrina.

Inilahad ni Katrina kung paano siya pinakikitunguhan ng kaniyang nobyo at ang anak niyang si Katie.

“Mas more on kasama niya (Katie) ‘yung boyfriend ko. ‘Yung boyfriend ko ‘yung mas nag-ga-guide sa akin para alagaan ‘yung anak ko,” sabi niya.

“Siya ‘yung mas nagtuturo sa akin, kasi stubborn ako, ‘di ba? Stubborn din ‘yung anak ko. So medyo mahirap kaming dalawa, minsan nawawalan ako ng pasensiya, siya ‘yung mas kalmado. Tinutulungan niya ako talaga. Siya ‘yung mag-uusap, siya ‘yung kakausapin ako, kakausapin niya ‘yung anak ko,” ayon pa sa Kapuso actress.

Inilahad pa ni Katrina na isang companion ang hinahanap niya sa isang partner.

“Ako gusto ko kasi companion, ‘yun talaga ‘yung hinahanap ko. Noong eight years na sinabi ko, kung magbo-boyfriend ako gusto kong hanapin ‘yung makakasundo ko, ‘yung parang kaibigan ko, ‘yung makakasama ko hanggang pagtanda ko," paliwanag niya.

Gayunman, wala raw plano si Katrina na mag-asawa at magka-baby muli.

“Wala, ayoko na. Puro birds ako ngayon, birds ang alaga ko,” sabi ni Katrina nang tanungin ng King of Talk kung gusto niya pang magka-baby.

“Ayoko nang magka-baby, hindi ko kaya, mahirap. Saludo na lang ako sa maraming baby,” paglalahad pa niya.

Wala rin daw siyang planong mag-asawa.

“Ayoko na rin. Okay na ako, okay na po. Happy na ako. Lovelife na lang.”

Gayunman, sinabi ni Katrina na naniniwala pa rin siya sa kasal, ngunit “sa tamang panahon.”

“Sa ngayon wala naman sa isip ko,” lahad niya.

Masaya na raw si Katrina na natupad ang hiling niya na magka-nobyo noong edad 34 o 35 siya.

“Noong dumating si Katie, wala talaga, as in eight years ayoko talagang mag-boyfriend, ayokong mag-date. Wala, anything, work, work lang. Sabi ko ‘pag age ko ng 34, 35, kailangan meron na. Nangyari ‘yon,” sabi ng aktres. —FRJ, GMA Integrated News