Inihayag ni Geneva Cruz na niligawan siya noon ng mga kasama niya sa Smokey Mountain na sina Jeffrey Hidalgo, Tony Lambino at James Coronel.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, tinanong si Geneva kung ano ang kaniyang fondest memories tungkol sa kaniyang banda.

“So many. Niligawan nila akong tatlo,” tugon ni Geneva. “Pero minahal ko sila, hanggang ngayon mahal ko pa rin sila."

Ayon kay Geneva, naging grad ball date siya ni Jeffrey, habang “napakatorpe” naman ni James.

Si Tony naman daw ang malakas ang loob at sinasabihan si Geneva ng “Hi! How are you? I love you.”

Ang Smokey Mountain ay isang singing group na binuo ni Ryan Cayabyab nooong '80s.

Inihayag ni Geneva ang kaniyang pasasalamat kay Cayabyab sa kaniyang singing career.

“Masaya. I am nothing without our National Artist for Music. I am nothing without Ryan Cayabyab. Masaya ang aking childhood kaya masaya akong tao, I guess,” anang singer-actress.

Ilan sa mga kanta ng Smokey Mountain ang “Paraiso,” “Kailan,” “Da Coconut Nut,” “I Believe In You,” “Kahit Habang Buhay” at “Can This Be Love?” --FRJ, GMA Integrated News