Co-producer si G Tongi ng Broadway musical na “Here Lies Love” kung saan kabilang sa nagtatanghal si Lea Salonga, na pinag-usapan kamakailan dahil sa kaniyang paninindigan sa security protocols nang may fans na nagpunta sa kaniyang dressing room para magpa-picture.

Sa Threads, pinasalamatan ni G ang mga tumangkilik sa musical play pero ipinaalala niya rin ang tungkol sa security protocols

Nag-post si G ng mapa nakikita kung saan nakalagay ang stage door.

“We really appreciate everyone who followed our safety protocols for our artists," ayon sa dating aktres.

Kamakailan lang, mainit na pinag-usapan sa social media ang video ng isang fan ni Lea na nagpunta sa dressing room ng aktres para magpa-picture.

Pero tumanggi si Lea na magpa-picture sa dressing room pero pumayag siya sa magpakuha ng larawan malapit sa exit.

BASAHIN: Lea Salonga, 'propesyonal' na pinagsabihan ang fans na pinuntahan siya sa dressing room para magpa-picture

Ipinaliwanag ni Lea ang tungkol sa security protocols na hindi puwedeng pumasok sa dressing room ang hindi nila kilala o wala sa listahan.

Isang kasamahan ng fan ang nagbanggit ng pangalan ni G. Gayunman, sa tweet, sinabi ni Lea na tinanong niya ito kay G at sinabing, “she had no idea who they were.”

Sa kaniyang Threads post na reposted sa Faebook, ipinaliwanag ni G kung saan puwedeng makita ng fans ang cast member ng play, "Please proceed directly out of the theater to stage door after the show on 53rd street between Broadway and 8th.” —FRJ, GMA Integrated News