Itinanghal si Herlene Budol bilang Miss Tourism Philippines sa Miss Grand Philippines 2023 coronation night na ginanap sa SM Mall of Asia Arena nitong Huwebes. Ang pambato naman ng Cagayan de Oro ang itinanghal na Miss Grand Philippines.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Herlene ang ilan niyang larawan na proud na suot ang korona habang nagpapahinga sa bahay matapos ang kompetisyon.

Sa isa namang naunang post, ibinahagi rin niya ang kaniyang larawan suot ang white two piece bikini.

Ayon sa kaniya, kinabahan siya habang hinihintay na matawag ang kaniyang pangalan.

"'Yung huli ako tinawag ng Top 10 sa Miss Grand Philippines 2023. Sobra akong CABAnatuan! Wheeeeiiiw!!" caption ni Herlene.

Wagi bilang Miss Grand Philippines si Nikki De Moura ng Cagayan de Oro.

Wagi rin sina Michelle Arceo ng Bagumbayan, Quezon City bilang Reina Hispanoamericana Filipinas, at Francine Reyes ng Tarlac bilang Miss Eco Teen Philippines.

Noong 2022, first runner-up si Herlene sa Binibining Pilipinas pageant, at umani ng pitong special awards.

Nakatakda rin siyang makipagkumpetensya sa kaniyang unang international pageant na Miss Planet International noon ding 2022, ngunit umatras dahil sa kawalan ng katiyakan ng mga organizer at hindi maayos na pagtrato umano sa mga kandidato.

 

 

--FRJ, GMA Integrated News