Inihayag ni Barbie Forteza na naging mas close pa sila ni David Licauco dahil sa mga sunod-sunod nilang proyekto.
“Ang mature na ng mga usapan namin. Nag-o-open up siya sa akin, which I appreciate so much knowing that he is private and quite an introvert. So ang goal ko ngayon ay mawala ‘yun,” sabi ni Barbie sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras.
Inamin naman ni Barbie na minsan niya na rin siyang nainis si David bilang katrabaho.
Kinumpirma naman ito ni David nang sumalang siya sa lie detector test challenge sa vlog ni Bea Alonzo.
“‘Ba’t mo naman ako hate dati?’ Sabi niya, kasi lagi raw akong late tapos hindi raw ako nagso-sorry,” sabi ni David kay Bea.
Hanggang sa ipaliwanag ni David na ang dahilan ng kaniyang pagiging late ay ang kaniyang sleep apnea. Naunawaan naman daw ito ni Barbie.
Sa vlog din ni Bea, tinanong niya si David kung sa tingin nitong nagseselos sa kaniya ang real-life boyfriend ni Barbie na si Jak Roberto.
“No” ang itinugon ni David, na sinang-ayunan ni Barbie.
“I think so. Nahihiya akong tanungin. Pero kapag kinukuwento ko naman sa kaniya natutuwa naman siya tapos lagi lang niyang sinasabi ‘Iba ka talaga eh noh,’” kuwento ni Barbie na sinasabi sa kaniya ni Jak.
Nang tanungin naman si David sa vlog kung naisip niyang maging sila ni Barbie, tumugon ang binata ng “No.”
Pero ang lie detector test, tumunog ng lie, na tila tumututol sa sagot ni David.
“Nakita ko ‘yung clip na ‘yun. Ang cute cute ni David kasi parang kahit siya, ‘Huh?’ Kahit siya nagulat,” reaksyon ni Barbie.
Tinanong din si David kung naging crush siya ni Barbie.
“Eh kung paano kung sabihin kong hindi?” tugon ni David.
Matapos nito, muling tumunog ng lie ang detector.
“I feel like, kahit totoo naman ‘yung sinabi niya, since kinakabahan siya, ‘yun ‘yung na-detect ng polygraph,” sabi ni Barbie.
“Whatever David and I have, whatever friendship I’ve built with him, I really treasure it and I really don’t want to lose it,” anang aktres. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News