Malaking biyaya ang natanggap ng isang ginang mula sa Caloocan City matapos siyang manalo ng P100,000.00 sa "Eat Bulaga." Ang ginang, gumagawa ng mga barbeque stick at kumikita lang ng P5 sa bawat bugkos na mahigit 100 piraso ang laman.
Nitong Lunes, isinagawa ng Eat Bulaga ang draw sa mga nagrehistro ng kaniyang entry sa pamamagitan ng pag-scan sa QR code na lumabas sa TV screen sa episode ng noontime show noong Sabado.
Umabot sa mahigit 24,000 nagparehistro at isa ang masuwerteng nanalo na si Fatima Abaigar.
Si Paolo Contis ang isa-isang bumunot ng mga numero hanggang mabuo ang karampatang numero sa entry na nakalagay ang pangalan ni Fatima.
Nitong Martes, nagtungo si Fatima sa studio upang personal na tanggapin ang napanalunan niyang P100,000 cash.
Ayon kay Fatima, nahirapan siyang magrehistro sa pamamagitan ng QR code pero nagtiyaga siya hanggang sa makapasok.
Dahil malaking halaga ang napanalunan ni Fatima, tinanong siya ni Isko Moreno kung ano ang gagawin niya sa pera.
Ayon sa ginang, itatabi ang pera para sa pag-aaral ng kaniyang anak at ipangdadagdag din niyang puhunan.
Sinabi ni Fatima na gumagawa siya ng barbeque stick at nababayaran siya ng P5 bawat tali o bugkos na mahigit 100 ang laman.
Ayon kay Isko, patuloy na magbibigay ng tulong at saya ang kanilang Eat Bulaga sa mga tao.
Idinagdag pa ni Yorme na hindi na tungkol sa mga host ang "Eat Bulaga," kundi tungkol sa mga manonood. --FRJ, GMA Integrated News