Magkakaibang emosyon ang nakita sa mukha nina Kokoy de Santos at Angel Guardian habang tila nagpapaalam na si Tekla sa "The Boobay and Tekla Show," hanggang sa isiwalat niya ang kaniyang "malubhang sakit."

Sa nakaraang episode ng "TBATS," ipinakita na ang buong video nang inihayag ni Tekla ang mahalaga niyang sasabihin na may kaugnayan sa kaniyang kalusugan.

"Lahat tayo tumatanda, nagkakaedad so ingatan po ninyo yung kalusugan ninyo. Kasi na findings sa akin ng duktor ko na hindi ako puwedeng mapagod at masobrang ano... magbabad, so kailangan kong magpahinga," saad ni Tekla.

Masakit man daw sa kaniyang kalooban, kailangan daw niyang magpaalam sa "TBATS" na halos limang taon na ngayon, at nagsimula lang bilang content sa Youtube.

"Masakit, sobrang masakit kasi ito lang yung show ko, wala akong ibang ginawang show, ito lang. Ito lang, lahat ng buhay ko binigay ko, buong time, lahat," sabi pa ni Tekla.

Habang nasasalita si Tekla, tahimik naman na nakikinig sina Kokoy at Angel,  habang emosyonal naman si Boobay.

Humingi si Tekla ng paumanhin at sinabing nagpaalam na siya sa management. Ayon kay Tekla, ayaw niyang masakripisyo ang kaniyang kalusugan dahil bata pa ang anak niyang si Angelo na mayroon ding karamdaman.

"Guys, mga Kapuso mami-miss ko 'tong show na ito pero kailangan kong magpagaling. Nag-file na ako sa management na yon po ang ano ng duktor sa akin. So sorry Boobay, guys sorry, direk," patuloy ni Tekla.

Inihayag naman ni Boobay na nauunawaan niya si Tekla dahil pinagdaanan din niya ang pinagdadaanan ngayon ng co-host at kaibigan.

Matatandaan na isang buwan din na nawala si Boobay sa "TBATS" upang makapagpahinga matapos makaranas ng silent seizure nang mag-guest sa "Fast Talk with Boy Abunda."

"Kahit anong mangyari pinapangako ko 'pag ok na lahat nandito pa rin kami. Parang yung ginawa niyo sa akin," ani Boobay, at hiniling kay Tekla na sabihin na ang karamdaman niya.

Nang sandaling iyon, malungkot at titig na titig na sina Kokoy at Angel kay Tekla habang hinihintay na malaman ang sakit ng host.

Sabi ni Tekla, "Kailangan ko na pong sundin yung ano ng duktor sa akin kasi lumalala na po yung alipunga ko."

Nang sabihin ni Tekla ang alipunga, makikita na tila nagtaka at naguluhan sina Kokoy at Angel sa nadinig nila.

Si Koko, napayuko na lang at hindi makapagsalita, habang naiyak naman si Angel.

Wala namang tigil sina Tekla at Boobay sa pagtawa nang ipaalam sa dalawa na na-TBATS o na-prank ang dalawa.

"Grabe, inano nila ang sarili nilang kalusugan para rito," sambit ni Kokoy na napahawak pa sa kaniyang batok.

"Sobrang selfless pa niya," patungkol ni Angel kay Tekla. 

"Mas naiyak ako nang sinabi niya yung alipunga, nung nalaman ko na niloloko niyo kami. Parang ang sakit niloloko niyo kami," natatawa pang sabi ni Angel.

Panoorin ang nakatutuwang video at husay sa drama nina Boobay at Tekla. --FRJ, GMA Integrated News